SINIMULAN na ni National Capital Region Police Office director PMGen Sidney Hernia ang pagpapakilala sa high tech approach sa paglaban sa krimen sa Metro Manila.
Sa ginawang Monday Flag Raising and Awarding Ceremonies sa Camp Bagong Diwa, inanunsyo ang command guidelines na kailangang ipatupad sa mga pulis na nakatalaga sa NCRPO sa ilalim ng pamumuno ni Hernia.
Digital approach na ang ipatutupad sa mga pulis sa Metro Manila tulad ng use of electronic daily personnel accounting system o EDPAS at law enforcement reporting information system o LERIS.
Sa ilalim ng EDPAS, ang lahat ng mga pulis ay kailangang gumamit ng device o gadget sa kaninang araw-araw na pagpasok sa trabaho kung saan ay madali na para sa kanilang supervisor na matukoy ang kanilang kinaroroonan.
Ang EDPAS ang tutulong sa mga opisyal lalo ma sa team leader kung pumasok o nagtatrabaho nga ang kanyang tauhan.
Habang ang LERIS naman ang magiging daan o paraan ng mga pulis upang maging maayos at mabilis ang kanilang proseso sa pag uulat.
Sa paraan ding ito, nasisiguro na tama at totoo ang mga ipinapasok na impormasyon kung saan mas mapapaganda ang serbisyong ipinagkakaloob ng pulisya.
Gamit ang mobile devices o cellular phones, mas mabilis ang maibibigay na serbisyo sa mamamayan sapagkat mabilis ang pagdating ng impormasyon.
Gayunman, ipatutupad din ng NCRPO sa lahat ng opisyales at mga miyembro nito ang paggamit ng data privacy consent form.
Hindi lang sa mga personnel subalit maging sa mga binibigyang serbisyo o kliyente ng pulisya ay kailangang gumamit din ng data privacy consent form sapagkat ito ang magbibigay kaliwanagan sa indibidwal kung bakit kinokolekta at pinoproseso ang kanilang mga impormasyon.
Sa makabagong approach na dala ni Gen. Hernia sa NCRPO, nailalatag ang hangarin ng PNP : Sa Bagong Pilipinas, ang gusto ng pulis, LIGTAS KA!






