MANILA, Philippines – IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tiyakin na walang biktima ng Severe Tropical Storm Kristine ang ‘maiiwang gutom.’
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na inatasan ni Pangulong Marcos ang DSWD na palawigin ang agarang financial assistance sa mga biktima ng bagyo.
Ayon pa sa Kalihim, inatasan din ng Pangulo ang DSWD na panatilihing nagpapatuloy ang relief operations sa lahat ng lugar na labis na binayo ng naturang bagyo.
“Makakaasa ho kayo na tuloy-tuloy po ‘yan – ‘yan ang instruction sa atin ng ating mahal na Pangulo na walang pamilya, o walang biktima ng kalamidad ang magugutom,” ayon kay Gatchalian.
“Pangalawa, kapag bumaba na ho ang tubig baha sisiguraduhin naman natin na ang mga cash relief or cash assistance magsisimula na sa mabilis na panahon,” aniya pa rin.
Tinuran pa ni Gatchalian na may sapat na budget ang DSWD para matugunan ang ‘financial needs’ ng mga biktima.
“Let me categorically say that the DSWD has available funds ready to mobilize financial assistance in the coming days,” ang sinabi ni Gatchalian.
Ani Gatchalian, ang pondo ay ‘always available’, karagdagan sa kanilang regular assistance at disaster relief funds.
Sa nabanggit pa rin ng Palace briefing, muling pinagtibay ni Gatchalian ang commitment ng Malakanyang na makatatanggap ng kinakailangang tulong ang lahat ng biktima ng bagyo. Kris Jose