MANILA, Philippines – NAHIHIRAPAN ang ilang local government units (LGUs) na makapaghatid at mamahagi ng food assistance sa mga pamilyang apektado ng Severe Tropical Storm Kristine.
Sa katunayan, sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na 50,000 family food packs lamang mula sa 170,000 packs na nakatago sa iba’t ibang bodega sa Bicol Region ang nakuha ng LGUs.
“Actually, marami silang request pero nagaantay kami na kunin nila at pick-up-in nila,” ang sinabi pa ni Gatchalian sa isang panayam.
“Katulad kahapon, kausap ko si Governor, acting governor ng Albay, si Vice Governor Glenda. Sabi nga niya, onti-onti nang bumababa ‘yung tubig sa Albay pero kailangan nila ng kaunting panahon bago nila makuha ‘yung mga goods sa aming mga warehouse,” dagdag na pahayag ng Kalihim.
Sa Camarines Sur, sinabi ni Gatchalian na dahan-dahang nakukuha ng mga awtoridad ang food packs, subalit nakapokus talaga ang mga ito sa pagsalba sa mga residente na apektado ng bagyo.
Ang Signal No. 3 ay nakataas sa mahigit sa 16 na lugar sa Luzon habang kumikilos si Kristine patungong Cordillera Administrative Region.
Nakapagtala naman ang mga awtoridad ng 20 kataong nasawi sa Bicol Region.
Ani Gatchalian, may karagdagang 50,000 food packs ang patungo na sa Bicol Region.
“Patuloy kaming nakikipagugnayan sa mga LGUs na kunin na ‘yung mga goods. Ang instruction ng Pangulo naman sa akin kahapon siguraduhin na hindi kami maubusan doon. So habang nag di-distribute tayo ngayon sa mga LGUs, meron na tayong mga goods na papunta ulit ng Bicol,” ang sinabi pa ng Kalihim.
Samantala, sinabi ni Gatchalian na ang LGUs ang responsable sa paghahatid ng food packs sa mga pamilya at hindi ang DSWD.
“Ang DSWD, ang role namin is suportahan ang ating mga LGUs kung sakaling kulangin sila ng mga goods. So tayo, nasa warehouse natin ‘yung mga good bago pa tumaman… ‘yung epekto ni Bagyong Kristine,” aniya pa rin.
Samantala dahil sa bagyong Kristine ay muling sinuspinde ng gobyerno ang pasok sa trabaho sa tanggapan ng pamahalaan at klase sa lahat ng antas sa buong Luzon. Kris Jose