MANILA, Philippines – Inihayag ng Makati City police ang paglalabas ng ₱2,000,000 reward para sa indibidwal na makapagbibigay ng impormasyon sa ikaaaresto ng Chinese suspect na sangkot sa pamamaril at pagpatay sa kanyang kababayan sa loob ng isang restaurant nitong nakaraang linggo sa Makati City.
Ayon sa Makati City police, ang reward ay nakalaan para sa ikadarakip ng suspect na si Wang Danyu alyas Wang Dan Yu na may palayaw din na Bao Long kaugnay sa pagbaril at pagpatay sa biktima na kinilalang si Liu Jiabin, isa ring Chinese national.
Base sa isinagawang imbetigasyon, ang insidente ng pamamaril ay naganap noong Oktubre 17 kung saan magkakasamang kumain ang biktima at ang suspect kasama ang ilan pa sa kanilang mga kaibigan sa isang restaurant sa Makati.
Naganap ang pamamaril matapos magkaroon ng hindi pagkakaunawaan na nauwi sa mainitang pagtatalo sa pagitan ng suspect at ng biktima kung saan kinuha ng una ang kanyang baril at pinaputukan ng ilang beses ang huli na naging dahilan ng agarang pagkamatay ng biktima.
Agad na tumakas ang suspect sa lugar kasama ang isa pang hindi nakikilalang Chinese national.
Sinabi naman ni Southern Police District (SPD) Brig. Gen. Bernard Yang huwag tangkaing arestuhin ang suspect dahil itinuturing nila itong ‘armed and dangerous’.
Sa mga magbibigay ng impormasyon ay maaari lamang na magtungo sa pinakamalapit na estasyon ng pulisya o dili kaya ay tumawag sa Makati City police na may numerong 09297936525 kung saan ang lahat ng matatanggap na impormasyon ay pananatilihing sikreto at lihim sa publiko. James I. Catapusan