MANILA, Philippines- Sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na nasa 142,000 indibidwal sa mga daungan ang sinagip ng Philippine Coast Guard (PCG) sa buong bansa.
Sa kanyang ulat kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr, sinabi ni Bautista na nagdeploy ang PCG ng 226 teams na nag-rescue s mga indibidwal na stranded sa mga daungan sa gitna ng pananalasa ng bagyong Kristine.
Nitong Biyernes, sinabi ni Bautista na iniulat ng Philippine Ports Authority (PPA) ang 126 daungan sa 11 rehiyon na tinamaan ng matinding bagyo.
Ito ay sa National Capital Region (NCR) at Central Luzon, Northwestern Luzon, Northeastern Luzon, Southern Tagalog, Bicol, Central Visayas, Western Visayas, Eastern Visayas, Southern Visayas, Northeastern Mindanao, at Northern Mindano.
Ibinibilang ng PPA ang NCR at Central Luzon bilang isang rehiyon.
Sinabi niya na ang Matnog Port sa Sorsogon ay isa sa mga pinakamalaking apektadong pantalan dahil sa bagyo kung saan wala pa ring paggalaw ng mga sasakyang pandagat.
Batay sa kanyang presentasyon, 10,475 indibidwal, 2,839 rolling cargoes, 111 vessels, at 33 motor banca ang nanatiling stranded.
May 314 na sasakyang pandagat at 262 motor banca din ang sumilong.
Iniulat din ng DOTr na dalawang mangingisda ang nawawala– isa sa San Fernando, La Union, at isa pa sa Buenavista, Quezon.
Samantala, sinabi ni Bautista na bumalik na sa normal na operasyon ang lahat ng paliparan sa buong bansa.
Mula Oktubre 21 hanggang 24, may kabuuang 28,715 pasahero ang naapektuhan dahil sa pagkaantala ng 300 flights sa nakalipas na apat na araw.
Animnapu’t pitong flight ang nag-ulat ng mga pagkaantala na nakakaapekto sa 6,149 pasahero; ang mga flight ng 20,114 na pasahero ay nakansela dahil 197 na mga iskedyul ng eroplano ay grounded; at 36 na flight ang inilihis na nakaapekto sa 2,452 pasahero. Jocelyn Tabangcura-Domenden