Home METRO Pagpatay sa barangay captain, 2 iba pa sa Ilocos kinondena

Pagpatay sa barangay captain, 2 iba pa sa Ilocos kinondena

192
0

MANILA, Philippines – Kinondena ng San Nicolas local government unit (LGU) ang pagpatay sa kapitan ng barangay at presidente ng Liga ng mga Barangay ng nasabing bayan, na si Mark Adrian Barba at dalawang iba pa.

Ani Mayor Mike Hernando, hindi katanggap-tanggap ang ganitong uri ng krimen sa kanyang nasasakupan.

Sa ulat, pauwi na sana sakay ng SUV si Barba at dalawa niyang kasama nang pagbabarilin ang mga ito ng hindi pa nakikilalang salarin.

Bumangga pa ang sasakyan ng mga biktima sa isa pang SUV na nakaparada sa harap ng isang hotel.

Isinugod pa sa ospital ang tatlo ngunit idineklarang patay na ang mga ito.

Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala na ginamit sa pamamaril.

Nanawagan naman si Hernando sa pulisya na gawin ang lahat upang mabigyan ng hustisya si Barba at ang mga kasama nito.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente at upang matukoy ang motibo ng krimen.

Hindi inaalis ng mga awtoridad na posibleng may kinalaman sa trabaho ng biktima bilang isang opisyal ang motibo sa pamamaril.

Titingnan din ang personal na motibo na anggulo ng krimen.

Ayon sa impormasyon, si Barba ang ikalawang barangay official sa San Nicolas, Ilocos Norte na pinatay sa loob lamang ng isang buwan, sunod kay Francisco Bagay Jr. ng Barangay 5, San Nicolas, Ilocos Norte. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here