MANILA, Philippines- Patay ang isang 15-anyos na estudyante nang suntukin ng Sangguniang Kabataan Kagawad nitong Linggo ng gabi sa Punta, Sta. Ana, Maynila.
Idineklarang dead on arrival sa Sta. Ana Hospital ang biktimang si Krisnard Alexus Garcia y Dela Cruz mula Brgy. Hulo, Mandaluyong City.
Hawak naman ng pulisya ang suspek na sina Irinro Cardamio III alyas Jimeel, 23, binata ,SK Kagawad ng Brgy. 894, Punta Sta. Ana, Maynila at kasabwat nitong si Mark Jorell Trinidad y Dela Cruz, 18, nakatira sa nasabi ring lugar.
Sa imbestigasyon, dumulog ang biktima sa barangay hall kaugnay sa panununtok ng SK Kagawad sa kanyang kaibigan.
Habang nasa harap ng barangay hall ang biktima, pinagtulungang bugbugin ng mga suspek ang biktima hanggang bumagsak sa semento.
Inawat naman ng mga opisyal ng barangay ang mga suspek ngunit nagpatuloy ang mga suspek sa pananapak sa biktima hanggang mawalan ito ng malay.
Agad siyang dinala sa ospital ngunit hindi na rin umabot nang buhay. Jocelyn Tabangcura-Domenden