MANILA, Philippines- Sa pagdagsa ng mga tao sa Manila North Cemetery ngayong Huwebes para sa Undas, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na makukuha lamang ang mga nakumpiskang kagamitan ng mga bisita sa Linggo, Nobyembre 3, o Lunes, Nobyembre 4.
Pinaalalahanan ni Lt. Col. Leandro Gutierrez ang publiko na iwasang magdala ng mga ipinagbabawal na kagamitan sa loob ng sementeryo.
“Ang nangyayari dito, lahat ng confiscated items pagpasok, hindi muna ibabalik ‘yan. Ibabalik ‘yan lahat sa November 3 or 4, after na lahat ng event,” pahayag ni Gutierrez sa isang panayam.
Dagdag ni Gutierrez, matatagpuan ang mga nakumpiskang kagamitan sa Manila North Cemetery office. Babala pa niya, ang mahuhuling nagpupuslit ng alak ay maaaring pagmultahin.
“Wag na nilang gawin kasi pwedeng makasuhan do’n. Mayroon tayong city ordinance na pwedeng ikaso sa kanila,” wika ni Gutierrez.
Nauna nang inabisuhan ng Manila Local Government Unit ang mga bisita na ipinagbabawal ang mga sumusunod sa loob ng sementeryo:
Vendors
Baril at matutulis na bagay
Alak
Alagang hayop
Gitara, malakas na sound systems
Flammable materials, sigarilyo, pansindi






