MANILA, Philippines-Mahalaga ang pagpapanatili ng “secrecy discipline” sa paghahanap sa mga high-profile na target o paghawak sa mga sensitibong kasong “live” o aktibo pang iniimbestigahan, maliban kung kailangan ang disinformation upang mapalabas ang target at mahuli ito, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Linggo.
Nagpaalala si Lacson habang nagpapatuloy ang pagsisikap ng pamahalaan na hanapin at arestuhin si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, ilang araw matapos lumampas ang isang linggong palugit na ibinigay sa kanya upang sumuko.
“SSSHHH… : When pursuing a high-profile target or handling a sensitive live case, secrecy discipline is key – unless disinformation is necessary to flush the quarry into the open,” saad niya sa kanyang post sa X.
Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang paghahanap kay Dela Rosa matapos lumampas noong Biyernes ang isang linggong ultimatum na ibinigay sa kanya ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. upang sumuko.
Nauna rito, nag-anunsyo si Interior Secretary Jonvic Remulla ng P50-milyong pabuya para sa impormasyong hahantong sa pagkakaaresto kay Dela Rosa.
Si Lacson, na namuno sa Philippine National Police mula 1999 hanggang 2001 at naging nakatataas ni Dela Rosa sa Presidential Anti-Organized Crime Task Force, ay nagpunto na hindi dapat agad isapubliko ng mga awtoridad ang mga “solid” na impormasyong makatutulong sa paglutas ng isang kaso hangga’t hindi pa natatapos ang operasyon.
Dagdag niya, dapat lamang ilabas nang mas maaga ang sensitibong impormasyon kung bahagi ito ng isang sadyang estratehiya upang mapalabas at mahuli ang target.
May arrest warrant laban kay Dela Rosa mula sa International Criminal Court kaugnay ng kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte. Hindi na siya dumadalo sa mga sesyon ng Senado mula noong huling bahagi ng nakaraang taon.
Muli siyang nagpakita noong Mayo 11 upang bumoto kay Alan Peter Cayetano bilang Senate President, ngunit tumakas mula sa bakuran ng Senado sa gitna ng isang insidente ng pamamaril makalipas ang dalawang araw. Ernie Reyes