Home HOME BANNER STORY Mahigit 1.09M bumisita sa Manila North Cemetery nitong Nob. 1

Mahigit 1.09M bumisita sa Manila North Cemetery nitong Nob. 1

1
0

MANILA, Philippines — Umabot na sa 1,096,200 ang bilang ng mga bumisita sa Manila North Cemetery hanggang alas-4 ng hapon nitong Linggo, Nobyembre 1, para gunitain ang Undas.

Ayon sa Manila Police District (MPD), nanatiling mapayapa ang sitwasyon sa sementeryo at wala pang naitatalang hindi kanais-nais na insidente.

Inaasahan namang madaragdagan pa ang bilang ng mga bisita pagsapit ng gabi matapos huminto ang mahinang pag-ulan at lumamig ang panahon, ayon sa ulat ng Super Radyo dzBB.

Nabawasan din umano ang bilang ng mga ipinagbabawal na gamit na nakumpiska sa mga entrance ng sementeryo.

Kabilang sa mga naunang nakumpiskang gamit ang walis tingting, sigarilyo, mga bagay na madaling magliyab, matutulis na kagamitan at payong.

Ipinagbabawal ang pagdadala ng payong sa loob upang maiwasan ang pagsisikip at abala sa mga daanan.

Apat na bata naman ang pansamantalang naiulat na nawawala kaninang araw.

Nagpatupad din ang pamunuan ng Manila North Cemetery ng “puntod finder” system upang matulungan ang mga pamilyang mahanap ang puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Samantala, mananatili hanggang alas-11:59 ng gabi ngayong Nobyembre 1 ang mga road closure at rerouting scheme na ipinatutupad sa paligid ng sementeryo. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here