MANILA, Philippines – Lalakas ang pagtugon ng pamahalaan sa biktima ng kalamidad sakaling maisabatas ang 2025 national budget at makapaghatid ng agarang pagtulong sa komunidad na dinudurog ng sunod-sunod na bagyo, ayon kay Senador Grace Poe.
Sa pahayag, sinabi ni Poe, nakapaloob sa P6.352 trilyong pambansang badyet sa 2025 ang P21 bilyon pondo para sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund.
Aniya, mas mataas ito ngP500 milyon kumpara sa kasalukuyang badyet.
Kasalukuyang idenedepensa ni Poe ang pambansang badyet sa susunod na taon bilang hepe ng Senate committee on finance.
“Itinaas ang badyet para sa agaran at pangangailangan ng mamamayan sa panahon ng kalamidad,” ayon kay Poe.
“Kung sapat ang pondo ng komunidad, madali silang makakatugon sa panahon ng kalamidad upang makapagligtas ng buhay,” aniya pa.
Sinabi ni Poe na hindi lamang dapat maghatid ng kinakailangang relief ang calamity funds kundi kumpunihin at isagawa ang rehabilitasyon sa apektadong lugar.
Mahalaga ang operasyon bago magkaroon ng kalamiada tulad ng maagang paglilikas na parang kritikal na pamamaraan upang maiwasan ang mas sersyong epekto ng kalamidad, ayon kay Poe.
“Itong budget na nilalaan natin ay hindi lang sana para maabutan ang mga biktima ng bagyo o iba pang kalamidad ng pagkain sa ilang araw,” ani Poe.
“Pantulong din ito sa pagbangon at muling pagsisimula ng ating mga kababayang nasalanta,” dagdag niya.
Inihayag pa ni Poe na kanyang sinusuportahan ang pagtataas ng pondo sa quick response ng Department of Social Welfare and Development, na nangungunang ahensiya kapag may kalamidad.
“Matindi itong hagupit sa ilan nating kababayan ng sunod sunod na bagyo. Inaayos nating mabuti ang budget para masiguro na sa panahon ng pangangailangan, mayroon tayong pinaghuhugutan ng tulong,” ayon kay Poe. Ernie Reyes