MANILA, Pilippines – HUMIRAM ang administrasyong Marcos mula sa local at foreign sources sa unang 10 buwan ng taon para itawid ang budget deficit ng gobyerno.
Makikita sa data mula sa Bureau of the Treasury na ang gross financing ng National government ay tumaas ng 23% mula January hanggang October 2024 ng P2.429 trillion, mula P1.975 trillion sa kaparehong panahon ng nakaraang taon.
Ang pagtaas sa borrowing ay bunsod ng pag-secure ng gobyerno ng P129.26 bilyong halaga ng loans mula sa domestic at foreign creditors noong October. Gayunman ang halagang ito ay mas mababa sa P225.2 billion na hiniram sa kaparehong buwan noong 2023.
Ayon sa Treasury report, ang pagbaba sa October borrowing ay dahil sa pagbabawas ng gobyerno ng offshore financing nito mula P174.63 billion noong nakaraang taon sa P67.46 billion.
Sa kabilang dako, itinaas naman ng gobyerno ang domestic financing nito ng 22% sa nasabing buwan , sa P61.8 billion mula sa P50.57 billion.
Kasama ang karagdagang paghiram noong Oktubre, ang kabuuang gross financing mula foreign creditors ay umabot sa P556.25 billion sa unang 10 buwan ng taon, tumaas mula sa P456.31 billion sa nakalipas na taon.
Ang kabuuang domestic borrowing ay tumalon naman sa 22% sa P1.863 trillion sa pagtatapos ng Oktubre, mula P1.519 trillion sa nakaraang taon.
Samantala, ang total borrowing ni Pangulong Marcos sa unang 10 buwan ng taong kasalukuyan ay kumakatawan sa 94.5% ng full-year program na P2.57 trillion ng national government. Kris Jose