MANILA, Philippines – Tinatayang 100 Pilipino ang namamatay araw-araw dahil sa tuberculosis (TB), ayon sa 2024 Global Tuberculosis Report ng World Health Organization (WHO).
Batay sa ulat, ang Pilipinas bilang isa sa 8 bansa na may pinakamataas na problema sa TB sa buong mundo, ay may 739,000 kaso na iniuulat taun-taon.
Dahil sa nakababahalang istatistikang ito, nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health, sa mga Pilipino na unahin ang maagang pagpapagamot at samantalahin ang mga accessible healthcare services na ibinibigay ng gobyerno.
Binigyang-diin din niya ang mga hakbang na naglalayong palakasin ang paghahatid ng pangangalagang pangkalusugan.
Binanggit niya ang kanyang patuloy na pagsubaybay sa Malasakit Centers, na nagbibigay ng maginhawang tulong-medikal sa mga Pilipino, at ang patuloy na pagtatayo ng mga Super Health Center sa buong bansa upang magbigay ng mga pangunahing serbisyong pangkalusugan, diagnostics, at preventive care na mas malapit sa mga komunidad.
“Ang TB ay sakit na kayang gamutin basta’t maagapan. Kaya nga paulit-ulit kong pinapaalala sa ating mga kababayan, huwag mag-alinlangang magpakonsulta sa mga health facilities tulad ng Super Health Centers,” ani Go.
“Huwag din kayong mahihiyang lumapit sa mga Malasakit Centers. Para po ‘yan sa Pilipino. Nalulungkot po ako tuwing may mga nag-aalangang magpatingin sa doktor dahil natatakot sila sa babayaran sa ospital. Pangalagaan niyo po ang inyong kalusugan at ang Malasakit Center ay handang tumulong sa inyo,” idinagdag ni Go.
Sinabi sa ulat ng WHO na ang TB ay nananatiling nangungunang nakahahawa at nakamamatay sa buong mundo, kung saan ang Pilipinas ay nag-aambag ng 6.8% sa pandaigdigang caseload. Sa kabila ng bahagyang pagbuti, ang bilang ng mga namamatay na nauugnay sa TB ay nananatiling nakakagulat na 38,000 taun-taon sa bansa.
Napansin ng WHO ang pandaigdigang muling pagkabuhay ng mga kaso ng TB, na may 10.8 milyong bagong impeksyon noong 2023.
Alinsunod sa pagtugon sa krisis sa TB, naglunsad ang Department of Health (DOH) ng mga pagsisikap para sa maagang pagsusuri, pag-iwas, at paggamot sa ilalim ng National Strategic Plan nito para sa 2025–2030. Inamin ng mga opisyal ng DOH na malayo pa rin ang bansa sa pagpuksa sa TB.
Dahil dito, binigyang-diin ni Go ang kritikal na papel ng Super Health Centers para magbigay ng mga pangunahing serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa mga lugar na kulang sa serbisyo. Ang SHCs ay idinisenyo upang magbigay ng pangunahing pangangalaga, konsultasyon, at maagang pagtuklas ng sakit, bukod sa pagpapalakas ng paghahatid healthcare lalo sa mga komunidad.
Ang mga libreng konsultasyon ay hahawakan ng mga municipal health office, local government units, at Philippine Health Insurance Corporation sa pamamagitan ng Konsulta program nito.
Ang mga center na ito, kasama ang Malasakit Centers, ay nagsisilbing lifelines para sa mga Pilipino, lalo sa mga hindi kayang magpagamot.
Ang TB ay kadalasang kumakalat sa pamamagitan ng pag-ubo at pagbahing. Kasama sa mga maagang sintomas ang matagal na ubo, pananakit ng dibdib, at hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang. Hinikayat ng senador ang publiko na manatiling mapagmatyag lalo sa mga lugar na matao at mahina ang bentilasyon.