MANILA, Philippines- Pinaalalahanan ng Civil Service Commission (CSC) ang mga ahensya ng gobyerno na magdaraos ng Christmas o year-end party, binigyang-diin na dapat ay hindi gumamit ng public funds at kailangang sundin ang ethical standards.
Sinabi ni CSC Commissioner Aileen Lourdes Lizada na hindi maaaring gamitin ang pondo ng gobyerno para sa Christmas party pero maaari silang gumamit ng ‘pooled money’ o perang pinagsama-sama bilang ambag o kontribusyon mula sa mga kasama sa party.
“If you conduct Christmas parties, do not hold them in a manner that turns your office into a private venue… Offices are not like bars where, after 5 o’clock, you can drink and smoke inside,” ang sinabi ni Lizada.
Ang paalala na ito ni Lizada ay matapos hikayatin ng Malakanyang ang mga ahensya ng gobyerno na mag-donate ng kanilang savings mula sa scaled-down holiday celebrations hanggang sa komunidad na apektado ng mga nakalipas na bagyo. Pinayuhan din ni Lizada ang mga ahensya ng gobyerno na sumangguni sa Commission on Audit at Department of Social Welfare and Development bago pa magbigay ng donasyon.
Gayunman, inihayag ni Lizada na sa events gaya ng year-end assessments, kung saan sinusuri ng mga ahensya ang nakalipas na taon, ay pinapayagang gumastos.
Iyon nga lamang, kailangang maghanda ang mga empleyado ng gobyerno ng project design at proposal, na dapat ay aprubado ng pinuno ng kanilang ahensya.
“The activity qualifies as a year-end assessment, as it is categorized under that expense,” ayon kay Lizada.
Iginiit din ni Lizada na kahit pa ang empleyado ng gobyerno ay nasa public o private setting, nananatili pa rin silang mga public officials o empleyado.
“They are still bound by RA 3019, the Anti-Graft and Corrupt Practices Act, and RA 6713, the Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees,” ang sinabi ni Lizada. Kris Jose