MANILA, Philippines- Inilahad ni opposition senator Risa Hontiveros nitong Miyerkules ang posibilidad ng pagtulong ng ilang indibidwal sa Philippine Offshore Gaming Operator (Pogo) sa pagtakas ni Harry Roque mula sa Pilipinas, at sinabing inaasahan niyang matutukoy ng mga awtoridad ang mga tumulong sa pagpuga ng dating presidential spokesperson.
Iniulat na nasa Abu Dhabi, United Arab Emirates (UAE) si Roque.
“Dubai [in UAE] is a Pogo hub, so it’s possible that Pogo actors helped him escape,” ani Hontiveros.
“The Bureau of Immigration (BI) still has a lot of explaining to do. Even Guo Hua Ping’s escape to Indonesia, they have yet to explain how it happened,” dagdag niya.
Nauna nang inihayag ng BI na posibleng lumabas ng bansa si Roque sa pamamagitan ng ilegal na pamamaraan. Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na makikita sa beripikasyon sa kanilang mga record na walang pagtatangka si Roque na umalis ng bansa sa pamamagitan ng formal channels.
Gayundin, sinabi ni Viado na pinag-aaralan na ng legal team ng BI ang paghahain ng karagdagang reklamo laban kay Roque para sa kanyang umano’y ilegal na pagbiyahe.
Dawit si Roque sa qualified human trafficking case na inihain laban kay Cassandra Li Ong at ilan pa ukol sa mga ilegal na aktibidad sa Pogo hub Lucky South 99 Corp.
Mayroon siyang arrest order mula sa House of Representatives matapos ma-cite in contempt at ipinag-utos na iditine dahil sa hindi pagsusumite ng mga dokumentong magpapaliwanag sa umano’y biglang pagdami ng kanyang kayamanan. RNT/SA