ILANG buwan na ang nakalipas nang nabalitaan ko ito, kasabay ng mga pekeng alok na mag-invest sa sinasabing negosyo raw ng mga bigating tycoons. Isang grupo ng mga manloloko ang tumatawag sa suppliers, nagpapanggap na kinatawan ng mga dambuhalang proyekto, magpauulan ng katakut-takot na pambobola para mag-isyu ang supplier ng tseke sa malaking halaga kapalit ng garantisado raw na supply deal na hindi naman talaga nangyayari.
Luma na ang modus na ito, pero walang makapipigil sa scammers sa panloloko sa mga atat na makipagtransaksyon para sa malakihang deal sa isang higanteng kompanya.
Ang pinakahuling target nila ay ang higanteng kompanya na San Miguel Corporation (SMC), na ang pangunahing boss ay isa sa pinakapinagkatitiwalaan at hinahangaang tycoon sa bansa, si Ramon S. Ang — sa kanyang kapasidad ay isang nation-builder.
Sa ilalim ng kanyang liderato, namuhunan ang SMC sa mga proyektong nagbibigay ng malawakang pakinabang, lalo na sa mga probinsya. Kaya mayroong mga bago at pinahabang expressways, bagong pinagkukunan ng kuryente, kasadong mass transport system – ang MRT 7, bulk water project sa Bulacan, ambisyosong New Manila International Airport na nasa Bulacan din, at maraming iba pa.
Sa kasamaang palad, ang tagumpay ng SMC ay naging paborito ng mga manloloko kaya kinailangan ng kompanya na maglabas ng babala nitong weekend laban sa ilang indibiduwal na nagpapanggap na kinatawan ng SMC upang makapanghingi ng pera mula sa mga posibleng suppliers sa Tarlac, Pangasinan, at Bulacan, at sa iba pang mga probinsiya sa Northern at Central Luzon.
Upang protektahan ang publiko at mapanatili ang integridad ng kompanya, nilinaw ng SMC na hindi nito inoobliga ang suppliers o bidders na maglabas ng pera para sa accreditation o anomang pakikibahagi sa mga bidding ng proyekto. Dagdag pa nito, ang lahat ng lehitimong transaksyon ng kompanya ay eksklusibong pinangangasiwaan ng Corporate Procurement Group, at ang anomang katanungan ay maaaring ipadala sa [email protected].
Sana ay magsilbi itong wake-up call sa mga negosyante — kayo man ay supplier o contractor — at umiwas sa mga mala-extortion na transaksyong ito. Masyado nang matagumpay at propesyunal ang SMC sa mga kasunduan nito para magpadala pa ng mga ahenteng maniningil ng padulas.
Trabaho para sa CSC
Isang mainit na pagbati kay Civil Service Commission Chairperson Marilyn B. Barua-Yap sa pagkumpirma sa kanya kamakailan ng makapangyarihang Commission of Appointments.
Alam kong halos isang buwan na ang nakalipas nang maging opisyal ang pagkakatalaga sa kanya, pero gusto ng Firing Line na painitin sa pagkakaupo ang pinuno ng CSC pagdating sa isang nakababahalang usapin: mga Chinese na kumukuha ng civil service exams.
Naniniwala akong importanteng pagkaabalahan ni Ms. Yap ang pag-iimbestiga kung bakit at paano nangyayari ang ganito at agaran itong ipahinto bilang bagong pinuno ng komisyon.
Ayon sa aking mga espiya, sa eksaminasyon noong Agosto 10, 2024 sa Tomas Claudio College sa Rizal province, hindi bababa sa 10 Chinese ang kumuha ng pagsusulit. Hindi lamang sila nag-test, nagawa pa nilang maipasa ito base sa resultang isinapubliko noong Oktubre, ayon sa impormasyong nakarating sa akin.
Napag-alaman kong dose-dosena nang iba pang mainland Chinese ang kumuha ng civil service exams sa iba pang testing centers. Ang malaking katanungan lang, bakit pinapayagan sila ng CSC na kumuha ng exams na para lamang sa mga kawani ng gobyerno? Paki-explain nga.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).






