MANILA, Philippines – Arestado ang limang hinihinalang miyembro ng “salisi” gang sa NAIA Terminal 3 sa Pasay City, ayon sa ulat ng Manila International Airport Authority (MIAA) ngayong Miyerkules.
Sinabi ng MIAA na bahagi ang lima ng sampung suspek na ilang linggo nang minamanmanan dahil sa serye ng pagnanakaw mula Abril 28 hanggang Mayo 5. Madalas na binibiktima ng grupo ang mga natutulog o hindi nakatutok na pasahero.
Isang kasapi ang umaagaw ng atensyon habang ang iba ay nagnanakaw ng mga gamit gaya ng bag at cellphone. Narekober mula sa mga suspek ang dalawang cellphone at isang laptop.
Sinampahan na sila ng kasong pagnanakaw, pagsuway sa awtoridad, at tangkang pagtakas. Dalawa sa mga suspek ang nakatakas sa habulan.
Nagpaalala si Airport Police Department Chief Col. Bing Jose sa mga pasahero na huwag iwanang walang bantay ang mga gamit at agad i-report ang anumang kahina-hinalang kilos sa mga otoridad. RNT