MANILA, Philippines – Ipinahayag ni House Speaker Martin Romualdez nitong Miyerkules ang kanyang suporta sa posibleng pagsama nina dating senador Leila de Lima at human rights lawyer Chel Diokno sa House prosecution panel para sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte sa Senado.
Ayon kay Romualdez, magdadala ng kredibilidad at integridad sa proseso ang dalawa, lalo na’t batikan silang mga abogado na kilala sa pagtatanggol sa batas at demokrasya. Ang kaso ay may kaugnayan sa diumano’y maling paggamit ni Duterte ng confidential funds.
Si De Lima ay magiging kinatawan ng Mamamayang Liberal party-list, habang si Diokno ay mula sa Akbayan, na nangunguna ngayon sa party-list race.
Dagdag pa ni Romualdez, ang kanilang partisipasyon ay makakatulong upang maging makatarungan, makatuwiran, at nakabatay sa ebidensya ang paglilitis. Iginiit niya na tungkulin ng Kongreso ang pagtatanggol sa Konstitusyon at mga institusyong demokratiko “nang walang kinikilingan at may buong tiwala ng sambayanang Pilipino.” RNT