Home OPINION MAGSASAKA=MAGSASAKO

MAGSASAKA=MAGSASAKO

KUNG pupunta kayo, mga Bro, sa mga barangay na malalayo sa mga kabayanan, makikita ninyo kung gaano kahirap ang mga komunidad na magsasaka.

Lalo na ang mga magsasakang namumuhunan sa utang sa pagsasaka at nabubuhay bilang obrerong magsasaka.

Buong katotohanan ang sinasabi ng mga namumuhunang magsasaka na pagkaraan ng ani, hindi na sila magsasaka kundi magsasako na lang.

Sako na lang ang natitira sa kanila makaraan silang magbayad ng utang.

Ang mga nagbebenta naman ng pawis na magsasaka, napakarami na rin ang nawawalan ng mga pagkakataon para maghanapbuhay.

MGA MAGSASAKO

Ayon mismo sa mga magsasaka, humigit-kumulang sa P55,000 ang katamtamang gastos sa buong pagsasaka.

Pero kapag gumamit sila ng traktor at generator sa pag-araro at patubig na lumalamon ng napakamahal na petrolyo, maaaring umabot ang gastos sa P72,000 kada ektarya, kung walang ulan o irigasyon.

Kung walang ulan at irigasyon, halos tatlo o apat na beses na magpatubig ang mga magsasaka mula sa pagtatanim hanggang sa anihan.

Sa pangkalahatan, binubuo ang mga gastos sa pag-aararo gamit ang mga tractor na pang-araro at paglilinang na may bayad din sa operator, pagbili ng binhi, pagsaboy ng binhi, pagbunot ng punla kung hindi gagamit ng direct planting, pagtanim ng punla o replanting, pagdamo, pagbili at pagsaboy o pagbomba ng mga abono, herbicide at insecticide, pagbili ng sako, pag-aani, transportasyon, buwis at iba pa.

Kung makaani ang magsasaka ng nasa 70 sako lamang sa isang ektarya na nagkakahalaga ng nasa P59,000 sa presyong P17 na bili ng National Food Authority, anak ng tokwa, tabl-tabla ang gastos at kita.

‘Yun bang === sa apat na buwang pagpapagod at pag-aalaga sa palay, pagbenta ng buong ani, kinabukasan, nganga ang magsasaka.

Aaaaat…sako na lang lang talaga ang natitira sa kanila.

Kaya naman, kailangang makaani ng nasa 100 o higit pang sako ng palay na 50 kada kilo ang ani para may pangkain at panggastos sa susunod na apat na buwang pag-aararo hanggang sa pag-aani muli.

Eh, kung binagyo kaya tumumba ang palay at binaha at kinulapulan ng putik, wala nang ani, lumubo pa ang paybsiks na utang!

Huhuhu!

OBRERONG MAGSASAKA

Maraming magsasaka na nagbebenta ng pawis ang hindi rin maganda ang kalagayan.

Sila ang mga magsasakang walang lupa.

Sila ang nakikipunla ng binhi, nagbubunot ng binhi, nagre-replant, naggagapas, inuutusang mag-spray ng mga abono, insecticide, herbicide, nakikigapas, nagbibilad ng palay at iba pa.

Pero nawawalan na sila ng kita sa pagpupunla, pagbubunot at pagtatanim kung naisipan ang mga may lupa ang mag-direct planting.

Inaagawan na rin sila ng mga makinang reaper o pang-ani.

Kaya sa buong apat na buwan na produksyon ng palay, maraming araw, linggo o buwan silang nganga.

Kaawa-awa sa kabuuan ang buhay ng mga magsasaka at obrerong magsaka.

Tanong: Kaya ba nilang bumili ng P20 kada kilong bigas-National Food Authority?

Huhuhu!