BASE sa lumabas na pinakabagong Career Service Examination Pen and Paper Test (CSE-PTT) na isinagawa ng Civil Service Commission (CSC) nitong Marso 2025, isa lamang sa bawat 10 kumuha ng pagsusulit ang nakapasa o 46,470 sa kabuuang 318,977 o katumbas lamang ng 14.57 porsyento. Mas bahagyang mas mataas ito kumpara sa 14.40 porsyentong pumasa noong Agosto 2024.
Para sa mga eksperto sa edukasyon at sosyolohika, nakaaalarma ang bilang ng mga pumapasa, at patunay sa patuloy na paglala ng krisis sa sistema ng edukasyon sa bansa.
Sa professional level ng pagsusulit, nasa 287,250 ang kumuha ng eksaminasyon ngunit tanging 42,472 lamang ang pumasa o 14.79 porsyento habang sa subprofessional level naman ay nasa 31,727 ang nag-eksam ngunit tanging 3,998 ang nakalusot o nasa 12.60 porsyento.
Ang mga nakapasa sa professional level ay maaaring maglingkod sa mga teknikal, siyentipiko, at managerial na posisyon sa pamahalaan, samantalang ang mga subprofessional passer ay kwalipikado sa clerical at custodial positions kahit hindi nakapagtapos ng apat na taong kurso sa kolehiyo.
Marami ang naghahangad na makapasok sa pamahalaan dahil sa kasalukuyan ay may malaking suweldo, maraming benepisyo, at may seguridad sa trabaho, kaya naman marami ang sumusubok sa CSE-PTT.
Ngunit ang sobrang mababang passing rate ay nagpapakita ng kakulangan sa kahandaan ng mga aplikante, isang bagay na hindi dapat isisi sa mga indibidwal lamang, kundi sa sistemang pang-edukasyon na humubog sa kanila.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), mahigit 18 milyon Filipino na may edad 10 hanggang 64 ang itinuturing na “functional illiterates” o mga taong marunong bumasa, magsulat at magbilang ngunit hirap sa pag-unawa. Ito ay bunsod ng mas pinaghigpit na depinisyon ng “functional literacy” na isinama ang analytical at critical thinking skills.
Kaya naman, maraming nagtapos ng high school o junior high school, ayon sa bagong batayan, ay hindi na matuturing na ganap na literado.
Nasa sentro ng pagbaba ng kalidad ng edukasyon ang Department of Education (DepEd), maraming estudyante ang pinagtatapos kahit hindi sapat ang kaalaman o kasanayan sa reading comprehension, mathematics, at scientific reasoning, mga kakayahang mahalaga sa anomang uri ng pagsusulit o hanapbuhay.
Hindi man kasing-hirap ng Bar o board exam, ang CSE-PTT ay itinuturing na kumprehensibong pagsusulit sa general knowledge, current events, logic, communication skills, at kaalaman sa batas gaya ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Aminado ang DepEd na may problema ang edukasyon mula sa batayang antas pa lamang.
Ang Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2 ay maraming nakitang pinagmumulan ng problem na kailangang mabigyang solusyon.
Kung nagawa marahil ang isang “whole-of-nation-approach” sa ilang mga problema ng bansa, kailangan na sigurong tulungan ang DepEd para maisaayos ang sistema ng edukasyon sa bansa, lalo pa’t nakataya rito ang kinabukasan ng maraming Kabataang Filipino at ng bansa.






