SOBRANG takot ang naramdaman ng mga Pinoy na guro sa Kahului, Maui, Hawaii kamakailan makaraan silang i-raid ng Immigration and Customs Enforcement agents ng United States.
Pinasok ang mga natutulog na guro sa kanilang tinitirhan sa nasabing lugar sa gabi at bigla silang ginising ng mga ahente ng ICE na may nakatutok na baril sa kanila.
Kasunod na nito ang interogasyon sa kanila kung ano-ano ang mga pinaggagawa at bakit nasa teritoryo sila ng US.
Siyempre pa, pangunahin na inalam ng mga taga-ICE ang ligalidad ng kanilang trabaho at pagtira sa lugar.
Nasa 40 minuto silang dinetine at kasama na rin ang kanilang mga pamilya sa mga pinigil.
Nakahinga lang sila ng maayos nang wala ni sinoman sa kanila ang inaresto makaraang mapatunayang nasa Hawaii sila bilang mga guro na ligal ang pagkaka-rekluta sa kanila.
Binatikos ni Senator Brian Schatz (Democrat-Hawai‘i) ang ginawa ng mga ahenting ICE sa paggamit ng nakatatakot at abusadong paraan sa pagsita sa mga Pinoy.
Ipinagtanggol niya ang mga guro sa pagsasabing tapat at maayos ang pagtuturo ng mga ito sa kanilang mga anak, Kano man o Hawaiano o ibang lahi.
ITATAPON SA IBA
Maalala pa ba ninyo na kamakailan na muntik nang i-deport sa Libya ang isang Pinoy?
Hindi siya kinilala ng isang abogado na nagtatanggol sa kanya ngunit isa itong problema na dapat harapin ng pamahalaang Pilipinas.
Sapagkat kung mabigo ang pamahalaang Pinas na pigilan ang ganitong klaseng deportasyon, magbubunga ito ng malaking problema.
Alalahaning may 300,0000 hanggang 350,000 Pinoy sa US na posibleng palayasin ng gobyernong Trump pangunahin sa pagiging T&T o tago nang tago ng mga ito.
Paano kung libo-libo sila?
Basta may kasong nakasampa sa iyo, pwede ka ring palayasin at hindi na kailangang i-convict ka ng korte.
Sa mga hinuhuli at dine-deport, basta taga-South America, basta na lang silang dine-deport at doon na sila sa mega-prison sa El Salvador, kahit hindi sila taga-El Salvador kundi taga-Venezuela, Peru at iba pa.
Kung maisama ang mga Pinoy sa mga ito patungong Libya o El Salvador, sakit sa ulo at bulsa ‘yan hindi lang ng mga deportee kundi pati ng pamahalaan.
Kaya dapat na maging aktibo ang pamahalaang Pilipinas sa pagsubaybay sa mga Pinoy na pinalalayas ng gobyernong Donald Trump.
Kasama ang daan-daang libong Pinoy sa mahigit 10 milyong pinalalayas ni Trump ngayon.
MARAMIHANG UUWI
Paano kaya naghahanda ang ating pamahalaan sa posibleng sunod-sunod na maramihang pagpapalayas ni Trump sa mga Pinoy?
Maituturing na magaan ang pagtugon sa mga napauwi nang nauna dahil kaunti lang sila.
Subalit kung daan-daan o libo-libo na ang bilang ng mga ito sa isang panahon, paano kikilos ang pamahalaan?
Tanong natin ito dahil malaking trabaho at gastos ito.
Mabuti kung mga Kano ang gagastos sa pamasahe sa eroplano.
Isa pa, paaano ang madadatnan ng mga ito, lalo na kung walang dalang salapi ang mga deportee?
Alalahaning marami na ang nagtatagong Pinoy at apektado na ang kanilang paghahanapbuhay.
Hanggang saan ang ayuda ang maibigay ng pamahalaan sa mga deportee at mga umaasa sa kanila na dati’y nabubuhay sa remittance?






