Home METRO Kelot na hindi nakakumpleto ng bakuna vs rabies todas

Kelot na hindi nakakumpleto ng bakuna vs rabies todas

248
0

MANILA, Philippines- Patay sa rabies ang isang 31-anyos na factory worker sa Cabuyao, Laguna noong May 18—siyam na buwan matapos makagat ng aso at isang beses lamang mabakunahan sa tatlong inirerekomendang vaccine doses.

Sa video na kuha ng kanyang partner na si Eva Peñalba,makikitang nakatali si Janelo Limbing sa isang hospital bed, sumisigaw sa sakit at nagwawala. Sa isa pang kuha, tila hirap siyang makahinga at uminom ng tubig.

Nagsimulang lumabas ang mga sintomas noong Mayo 15, subalit August 2024 nang kagatin siya ng aso.

Nasa bahay ng kapatid sa Cavite si Limbing nang maganap ang insidente, kung saan tinangka niyang itali ang aso subalit nakagat ang kanyang kamay at natanggal ang kalahati ng kanyang kuko.

Ayon sa kanyang pamilya, noong araw ding iyon ay namulang tila dugo ang mata ng aso, kinain ang sarili nitong dumi at nagsuka, kaya pinatay na umano ito.

Dahil dito, agad nagbayad si Limbing ng P2,500 para sa anti-rabies shot sa isang private clinic. Subalit, sa pangambang hindi makapasok sa trabaho at mawalan ng kita, hindi na siya nagpabakuna ng dalawa pang doses.

“Fina-follow up ko naman po na ‘next schedule mo na!’” ani Peñalba. “Sabi niya, busy siya at sayang ang kikitain niya.”

Halos siyam na buwan ang nakalipas noong May 15, nilagnat si Limbing. Lumabas sa resulta ng pagbisita niya sa ospital na mayroon siyang acid reflux, at pinauwi na kinabukasan. Subalit, kalaunan ay lumabas na ang karaniwang mga sintomas ng rabies: hirap sa paghinga, hydrophobia (takot sa tubig), at aerophobia (takot sa hangin).

Nang ibalik sa Cabuyao Hospital, wala na sa sarili si Limbing at hirap sa paghinga.

“Pag-inom niya, parang nalulunod siya sa dagat. Pagdating namin sa ospital, nakita niya ‘yung malaking electric fan—balot siya ng jacket at bonnet—tapos sabi niya, ‘Alisin niyo ‘yan!’ at tumakbo palabas,” ani Peñalba.

Sa paghihinalang rabies, agad ini-refer ng mga doktor sa Cabuyao si Limbing sa Research Institute for Tropical Medicine sa Alabang, Muntinlupa City. Doon, nagbabala ang mga espesyalista na mayroon na lamang 48 oras ang pasyente para mabuhay. Makalipas ang ilang oras ay pumanaw na ito.

Nahagip sa video ni Peñalba ang mga huling sandali ng biktima kung saan niya sinabing, “I love you,” bago bawian ng buhay. Nakapag-record pa ito ng huling mensahe: “Pasalamat ako sa aking asawa… at sa aking mga anak, mag-ingat kayo palagi.” RNT/SA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here