MANILA, Philippines – Paghihiganti ang isa sa posibleng motibo sa pamamaril sa flag ceremony sa isang barangay hall sa Barangay Salitran 3 sa Dasmariñas City, Cavite nitong Lunes ng umaga, Mayo 27.
Ayon sa ulat, ang suspek ay inalis umano sa pwesto bilang barangay tanod dahil sa kanyang diabetes.
“Nung buwan po ng Pebrero ay nakasahod pa po ito, nakapasok pa siya sa trabaho despite ng karamdaman niyang diabetes. Nito pong Mayo, nang kukunin niya na po yung sahod sa treasurer ay hindi po ibingay, ang dahilan ay naka-hold na ang kanyang sahod. Tinanggal na siya sa pagta-tanod dahil nga po ineffective na po siya, dahil hindi na siya nakakapasok dahil sa kanyang karamdaman,” pahayag ni Police Captain Michelle Bastawang, Cavite Police Provincial Office public information officer.
Makikita sa video footage ang mga empleyado ng barangay na nakatayo habang isinasagawa ang flag ceremony nang lumakad ang gunman patungo sa mga tao at nagsimulang mamaril.
Ayon sa report, binaril ng suspek ang kapitan ng barangay at isang kagawad, saka hinabol ang isa pang kagawad papasok sa barangay hall at pinagbabaril din ito.
Kasama rin sa binaril ang Sangguniang Kabataan secretary.
Nasawi ang kapitan ng barangay at dalawang kagawad, habang ginagamot naman sa ospital ang SK secretary.
Matapos ang insidente ay umuwi ng bahay ang gunman saka nagbaril sa sarili.
Sa kabila nito, sinabi ng mga awtoridad na posibleng target talaga ng suspek ay ang barangay treasurer.
“Ayun yung sinasabi ng mga witnesses sa area na hinahanap yung, after mabaril yung sina kapitan at saka yung mga kagawad, hinahanap niya yung tao. Nagsisigaw siya noon tsaka po siya umalis on foot,” ani Police Lieutenant Colonel Regino Oñate, Dasmariñas Police chief.
Narekober ng mga awtoridad ang dalawang .45 caliber magazine. RNT/JGC