MANILA, Philippines- Isang panukala na layong gawing krimen ang paggawa at pagpapakalat ng fake news, lalo na kung ang maling impormasyon ay nakaaapekto sa public order at national security, ang inihain ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez sa Kamara.
Sa inihaing House Bill (HB) No. 11506, sinabi ni Rodriguez na ang karapatang magsalita, magpahayag, at kalayaan ng pamamahayag na ginagarantiyahan sa ilalim ng Seksyon 4, Article III ng Konstitusyon ay isang haligi ng demokratikong pamahalaan ngunit hindi ito “absolute” base na rin sa desisyon ng Korte Suprema.
Ayon kay Rodriguez, naging malaking banta ang pagkalat ng fake news sa mga nagdaang taon, lalo na sa pamamagitan ng mga digital platform at artificial intelligence at hindi sapat ang kasalukuyang mga batas, kabilang na ang Revised Penal Code at Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act, upang tugunan ang mga disinformation campaign.
Sa oras na maipasa ang HB 11506 o “An Act penalizing the malicious and deliberate dissemination of false information that undermines public order or national security, strengthening regulations on fake news through digital platforms, and for other” ay maparurusahan ang sinumang sadyang gumagawa at nagpapakalat ng maling impormasyon.
“ln doing so, the measure aims to protect public order and national security from destabilizing content designed to mislead, manipulate, or incite. lt is carefully crafted to withstand
constitutional scrutiny by defining fake news nanowly and precisely, requiring proof of both malicious intent and actual or probable public harm,” ayon kay Rodriguez.
Sa oras na maisabatas, ang sinumang mapatunayang lumabag sa alin man sa mga probisyon ay maaaring makulong ng anim (6) hanggang labindalawang (12) taon at multa na P500,000 hanggang P2 milyon.
Iminumungkahi rin ng panukala ang paglikha ng isang joint congressional oversight committee na binubuo ng mga kinatawan mula sa civil society at mga organisasyon ng media upang subaybayan ang pagpapatupad ng batas. Gail Mendoza