MANILA, Philippines – Apat ang kumpirmadong patay sa paglubog ng isang bangka sa Panguil Bay malapit sa Barangay Cabgan, Tambulig, Zamboanga del Sur noong Sabado, Mayo 31.
Ang apat na pasaherong nasawi ay dalawang babae at dalawang menor de edad.
Ayon kay Nilo Muñoz, Disaster Risk Reduction and Management Officer (DRRMO) ng Tambulig, sakay ng bangka ang kabuuang apat na matatanda at siyam na menor de edad mula Barangay Balas, Aurora, sa Zamboanga del Sur at patungo sa Barangay Bocator, Tangub City sa Misamis Occidental province.
Nagawang makalangoy ng isa sa mga biktima patungo sa kalupaan at humingi ng tulong mula sa mga residente.
Ani Muñoz, ang siyam na menor de edad ay mula 17 hanggang tatlong taong gulang.
Napag-alaman naman na ang nagmamaneho ng bangka ay 12-anyos lamang.
Aniya, ang bangka ay patungo sa Tangub City para sa nakatakdang paghango sa kanilang fish cage nang magloko ang makina at pataubin ng malalakas na alon bandang alas-4 ng hapon.
Unang narekober ng mga rescuer ang dalawang babae at dinala sa ospital ngunit hindi na nagawang mailigtas pa.
Kalaunan ay natagpuan naman ang bangkay ng siyam na taong gulang na batang lalaki bandang alas-9 ng gabi ng Sabado, at ang tatlong taong gulang na batang lalaki Linggo ng umaga.
Nagtamo naman ng minor injuries ang siyam iba pang pasahero. RNT/JGC