MANILA, Philippines – Pahirapan ang pag-apula sa sunog na nagaganap ngayon sa residential at commercial area kung saan isa pang gusali ang kasalukuyang itinatayo sa Globo de Oro, Quiapo, Maynila.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nasa tatlong gusali na may apat na palapag at magkakadikit ang nasusunog.
Base sa mga pahayag ng mga residente, pasado alas-12 ng tanghali nang sumiklab ang sunog kaya nagkanya-kanya silang hakot ng kanilang mga gamit habang ang iba ay wala nang naisalba pa.
Sa ngayon, nananatili sa ikalawang alarma ang sunog at maitim na usok pa rin ang lumalabas.
Pansamantala namang isinara sa motorista ang bahagi ng dulo ng Quinta market, Quezon Blvd., at sa bahagi ng Bautista Street upang bigyang daan ang mga bumbero na nagtutulong-tulong upang maapula ang sunog.
Wala pang ibang detalye na ibinahagi ang BFP dahil nagpapatuloy pa ang kanilang pag-apula sa sunog. Jocelyn Tabangcura-Domenden