MANILA, Philippines – Naalarma si Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health and demography, sa lumolobong banta ng rabies sa bansa kaya nanawagan siya sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na paigtingin ang programa sa pagbabakuna sa mga tao at hayop.
Sa pagdinig kamakalawa, iniulat ng Department of Health (DOH) na mayroon nang 426 kaso ng pagkamatay noong 2024 dahil sa rabies. Ngayong taon, ang ahensya ay nakapagtala ng 55 kaso ng rabies mula Enero 1 hanggang Marso 1.
“Nauna na akong nagpahayag ng aking pagkabahala tungkol dito at mariing hinikayat ang DOH na paigtingin ang kanilang mga hakbang laban sa rabies, partikular ang kampanya nito sa pagbabakuna sa buong bansa,” ani Go.
Nag-aalala ang senador sa pagiging affordability at accessibility ng post-exposure prophylaxis para sa mga biktima ng kagat ng hayop, lalo sa mga nagba-viral na video na naglalarawan ng matinding kaso ng rabies at nagdudulot ng takot sa publiko.
“May viral videos po ngayon na tinatamaan ng rabies, nakakapanlumo po. May panic nga po ngayon, nagpa-panic sila na dagsa po ang nagpapabakuna. Kanina nasagot nyo, 5,000 lang po ang sinasagot sa rabies. Baka ‘yung mga kababayan natin sa takot, ayaw na pong magpa-injection dahil mahal ang babayaran,” sabi ni Go.
Nagbabala siya na ang mataas na gastos ay maaaring makapigil sa mga biktima ng kagat ng hayop na magpagamot kaya hinimok niya ang Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na palawakin ang coverage nito.
“Lalo na ‘pag talagang positibo na kailangan nilang magpa-inject, baka maaring taasan n’yo po ang inyong coverage para hindi po matakot ang ating mga kababayan na magpa-injection at magpagamot dahil meron pong PhilHealth na masasandalan nila… Alarming po ito eh… Time is of the essence dito. ‘Pag ika’y nakagat ng aso, ang bilis. Ang bilis n’yan,” giit ni Go.
“Hindi ‘yan pwedeng, ‘sandali ah, ano ba ito? Tingnan muna natin ‘yung aso. Baka nagluya (manghina). Mamaya na lang ako magpa-check up.’ Hindi pwede. Dapat pumunta kaagad sa health center,” anang senador.
Sinabi ni Go na ang pagkaantala o hindi kumpletong bakuna ay nagdudulot ng pagkamatay.
Kamakailan lang, dalawa ang namatay sa loob ng isang linggo, ang isa ay si Janelo, isang 31-anyos na factory worker mula sa Cabuyao City, Laguna, matapos makagat ng aso ng kanyang kapatid noong Agosto 2024.
Hindi nakumpleto ng biktima ang kinakailangang dosis ng anti-rabies hanggang magkaroon ng mga sintomas makalipas ang siyam na buwan. Namatay siya ilang sandali matapos maisugod sa ospital.
Ang ikalawang biktima na si Nichole, 25, mula sa Bacolod City, ay namatay matapos balewalain ang kagat ng aso dahil sa kakapusan sa pera.
Paulit-ulit na binibigyang-diin ng DOH na ang rabies ay mapupuksa kung mabibigyang lunas kaagad.
Hinimok din nito ang mga may-ari na pabakunahan ang kanilang mga alagang hayop taun-taon. Kalahati umano ng mga naitalang kaso ay nauugnay sa kagat ng mga alagang hayop na hindi nabakunahan.
Kabilang sa mga rehiyong may pinakamataas na kaso ang Central Luzon, SOCCSKSARGEN, at CALABARZON.
Bilang tugon sa datos, hinimok ni Go ang DOH na palakasin ang estratehiya nito sa pamamahagi ng libreng bakuna laban sa rabies. Dapat aniyang tiyakin ang sapat na supply ng mga dosis sa buong bansa. RNT