MANILA, Philippines – Malaki ang tsansa ng pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon at Mindanao ngayong Huwebes dahil sa Habagat at Intertropical Convergence Zone (ITCZ), ayon sa PAGASA.
Inaasahang maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat sa Ilocos Region, Cordillera, Batanes, Babuyan Islands, Zambales, Bataan, at Palawan. Magdadala rin ng pag-ulan ang ITCZ sa Zamboanga Peninsula, SOCCSKSARGEN, BARMM, at ilang bahagi ng Davao.
Maaaring makaranas ng panaka-nakang pag-ulan ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon, habang may posibilidad ng localized thunderstorms sa ibang lugar. May binabantayang low pressure area sa labas ng PAR pero mababa ang tsansang maging bagyo. RNT