MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na aarangkada na simula ngayong Hunyo at maisasama na rin ang mga benepisyaryo ng Walang Gutom Program ng ahensya sa mga maaaring makabili ng P20 kada kilong bigas ng Department of Agriculture (DA).
Ito ang sinabi ni DSWD Assistant Secretary Baldr Bringas, na nasa 2,500 na mga benepisyaryo ang makikinabang sa pilot rollout ng programa sa Metro Manila.
Sa ginanap na DSWD Media forum, sinabi ng opisyal na sa ngayon, ongoing na ang pag-accredit nila sa mga Kadiwa Center sa Metro Manila kung saan maaaring makabili ang mga benepisyaryo ng murang bigas.
Kaugnay nito, nilinaw naman nitong hindi cash kung hindi Electronic Benefit Transfer (EBT) card lamang ng mga benepisyaryo ang maaaring gamitin na pambili ng P20 kada kilong bigas sa accredited rice retailers.
Kailangan lang na magpunta sa Kadiwa store ang mga benepisyaryo at i-tap ang kanilang EBT cards sa POS na ilalagay sa mga Kadiwa Store.
Samantala, naglalaman ng katumbas na halagang P3,000 ang EBT cards kung saan kalahati nito ay pwedeng ipambili ng murang bigas. Santi Celario