CEBU- Patay ang isang kelot habang sugatan ang angkas nito matapos lumipad ang sinasakyan nilang motorsiklo at bumangga sa kasalubong na van, nitong Miyerkules sa Liloan City.
Kinilala ang nasawi na si Junbert Quipo Yaun, 22, taga-Barangay Lamac, Consolacion City, habang ginagamot sa ospital ang angkas nitong si Vincent Seno Pepito.
Batay sa report ng Liloan Police Station, bandang alas-2:15 ng madaling araw noong Hunyo 11, 2025, naganap ang insidente sa Barangay Road Yati, ng naturang lungsod.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa inuman ang mga biktima at pauwi na sana ng kanilang bahay sakay ng Honda Click 125 na minamaneho ni Yaun.
Mabilis umano ang patakbo ng motorsiklo hanggang sa sumalpok ang mga ito sa kasalubong na van na minamaneho ni Romelito Ngujo Laguido, 28, taga-Barangay Paknaan, Mandaue City.
Nabatid na nakipag-inuman ang mga biktima sa kanilang kasamahan.
Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa pangyayari. Mary Anne Sapico