MANILA, Philippines – BUNSOD ng napakalaking problema sa basura ang bumungad sa pagpasok ng administrasyon ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, hihilingin nito sa Sangguniang Panlungsod sa unang araw ng pagbubukas ng sesyon Martes ng tanghali na maglabas ng resolusyon na magdedeklara sa buong Lungsod ng Maynila sa ilalim na state of emergency.
“Masakit sa mata, masakit sa ilong, mapanakit sa kalusugan ang ating sitwasyon patungkol sa basura. Pumanatag kayo, may gobyerno na po sa Maynila. We will not point fingers. We will act on the matter. We will confront this problem head-on,” pahayag ng alkalde sa unang araw ng pagharap niya sa mamamahayag.
“Iopted to and request the city council tomorrow first session day to declare state of emergency, health emergency in the entire city of Manila,” ayon kay Domagoso.
Ayon sa alkalde, batid niya ang mga naging panawagan ng mamamayan sa dating administrasyon na pinadaan sa pamamagitan ng media ang nakakalunos na sitwasyon ng Maynila subalit nagtengang-kawali lamang aniya ang mga dating opisyal.
Inihayag din ni Domagoso na sa pagtungtong pa lang nito sa Manila Cityhall ay may natanggap itong liham mula sa dalawang kompanya na humahakot ng basura sa lungsod, ang Metro Waste at Phile Co, na kanila ng tinatapos ang kontrata sa paghahakot ng basura sa lungsod simula Hunyo 30, 2025 dahil hindi na nila kayang bayaran ang kanilang mga tauhan bunga ng hindi pagbabayad ng administrasyon ni Mayor Honey Lacuna mula pa noong Pebrero hanggang kasalukuyan.
Dahil dito, pinakiusapan ni Domagoso ang kompanyang Leonel Waste Management na gamitin ang lahat ng kanilang mga trak ng basura at mga tauhan upang hakutin muna ang mga nagtambak na basura sa buong lungsod na agad naman na tinugon kung saan simula alas-2 ng hapon ng Lunes hanggang kinabukasan ng madaling araw ng Martes ay libre nilang hahakutin ang mga basura sa Maynila at hindi sisingilin ang lungsod.
“Nakikiusap ako sa mga may-ari nito, na kung pupwede hakutin muna nila ang basura ng Maynila ngayong araw na ito nang libre,”
“Ang Leonel Waste Management, for so many decades, ang naging katuwang ng lungsod sa maayos na koleksyon ng basura,” dagdag pa ng alkalde.
Inatasan na rin ni Domagoso ang City Engineering, Department of Public Service (DPS), at Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na lahat ng kanilang mga tauhan at kagamitan na gamitin muna ang mga ito hangga’t hindi nauubos ang basura sa lungsod.
Nanawagan din siya sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at iba pang ahensiya ng pambansang pamahalaan na tulungan sila na maibsan kaagad ang nararanasang pagdurusa sa problema sa basura.
Bukod naman sa hiling na resolusyon hinggil sa pagsasailalim sa state of emergency ang Maynila, hihimukin din ng alkalde sa Sangguniang Panlungsod na pag-aralan ang pagbibigay ng kontrata sa Leonel Waste Management upang sila ng muli ang maghakot ng basura sa Maynila.
“May nagsinungaling, may nagkubli, may nagtago — pero lumabas ang katotohanan,” ani Domagoso. JAY Reyes






