Home OPINION AYUDA KAPALIT NG BOTO BUBURAHIN

AYUDA KAPALIT NG BOTO BUBURAHIN

241
0

TIYAK na matataranta ang mga mambabatas na gumawa at umayuda sa pagbuo ng mga batas at programa na pambingwit ng boto tuwing halalan dahil sa panukalang batas na inihain ni Senador Ping Lacson.

Tinaguriang “Pantawid Pag-asa” ngunit sa ilalim ng Expanded Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang panukala.

Isasailalim sa Expanded 4Ps ang lahat ng umiiral na batas at programang ginagamit na pambili ng boto sa halalan gaya ng AKAP (Ayuda sa Kapos ang Kita Program), AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situation), TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers) at Food Strategic Transfer and Alternative Measures Program (Food STAMP) o Walang Gutom 2027.

Dapat umanong nakabatay sa ebidensya ang pamimigay ng mga ito.

‘Yun bang === hindi dapat basta ibibigay ang mga salapi at iba pang anyo ng ayuda kundi sa mga tunay na nangangailangan nito at kailangang patunayan pa nila na karapat-dapat silang tumanggap.

Hindi pupwedeng ang mga politiko o sinomang Pilato o Herodes ang magdidikta ng pamimigay na para bang galing sa kanilang sariling bulsa ang mga salapi at iba pa ang mga ayuda dahil, sa totoo lang, galing sa buwis ng mga mamamayan o salaping bayan ang mga ito.

Isa pa, dapat umanong malaman na limitado ang salaping bayan kaya naman, dapat lang na gastusin ito sa maayos at tamang paraan at para sa mga tunay na benepisyaryo at hindi sa mga kapritso ng politiko at mapagsamantala, lalo na para sa eleksyon.

Laman din ng panukala ang pagpapataw ng mga karampatang parusa sa sinomang magsasamantala rito gaya ng habambuhay na pagbabawal na manungkulan sa gobyerno ang sinomang mapatutunayang nagkasala rito.

KONTRABIDA AT WAIS

Tiyak na masasagasaan ng panukala ni Lacson ang mga may interes sa paggawa ng batas sa AKAP, AICS, TUPAD, Food STAMP o Walang Gutom 2027.

Kaya naman, mayroon at mayroong kokontra rito at kikilos para harangin ito sa Kamara at Senado.

Ipipilit nila na manatiling hiwa-hiwalay ang mga nasabing batas at programa at ipagmamalaki nilang sila ang mga awtor o gumawa o co-sponsor, lalo na sa panahon ng halalan.

Kasabay ito ng sikret na maniobra ng pamimigay kaugnay ng halalan gaya ng darating na eleksyong presidensyal sa 2028.

Kung magtatagumpay naman ang panukala kahit sa majority vote lang sa hanay ng mga mambabatas, maaaring ipa-veto ito kay Pangulong Bongbong Marcos.

Pupwede ring daanin nila sa waisan, singitan at impluwensya ang kanilang pagkilos gaya ng pagluto ng mga pansariling interes sa timpla sa panukala sakaling maging batas ito at hindi mahahalata kahit pa buksan sa publiko ang mga Bicameral Conference o Bicam

Kaugnay nito, maalaala ba ninyo ang nangyari sa Bicam nitong 2024 ukol sa AKAP?

Todo-kontra ang maraming senador dito noon sa paniniwala nilang pambingwit lang ng boto ito sa nasa 24 milyong benepisyaryo sa halalang 2025.

Pero nang hinati ang P25 bilyong AKAP sa P20B para sa mga kongresman at P5B para sa mga senador, anak ng tokwa, nagsiper na ng bunganga ang mga senador at nagpiyesta naman ang mga kongresman.

Inaprub naman ito ni Pang. Bongbong.

Saan nga kaya hahantong ang “Pantawid Pag-asa”?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here