HINDI sapat ang pagbabago ng operator. Ang tunay na sukatan ay kung tuloy-tuloy na ang daloy ng tubig, maayos ang serbisyo, at hindi na kailangang paulit-ulit na magreklamo ang mga mamamayan.
Ikinagulat ng mamamayan ng San Jose Del Monte ang bagong notice mawawala ng tubig ang nasabing lalawigan kasabay ang mga katabing bayan na umano’y mawawalan sila ng supply ng tubig mula Oktubre 13, 14 at 15.
Nagka-ubusan tuloy ang mga balde at iba ng gamit na magagamit sa pag-ipon ng tubig sa pag-aakalang walang kasiguruhan kung hanggang kailan mawawalan ng tubig.
Ang tanong, nakatitiyak ba ang mga consumer sakaling bumalik sa local government unit ng nasabing bayan ang pamamahala sa water system ay magiging katapusan ng kanilang problema?
Bago mapunta ang water system sa Prime Water, katakot takot na problema na ang naranasan ng mamamayan ng San Jose Del Monte. Noong ipamahala ito sa Villar company, wala ring nangyari.
Ang problema sa tubig ay naging dahilan nang pagkasira ng Prime Water at ng mga Villar kasabay pa ng napakalaki umano ng nalugi sa mga ito.
Ang matagal na problema sa suplay ng tubig at sunod-sunod na reklamo ng mga mamamayan ay nagdulot ng matinding hamon sa operasyon at reputasyon ng PrimeWater.
Lalong naging seryoso ang usapin matapos magsampa ang Office of the Ombudsman ng mga reklamong kriminal at administratibo laban sa ilang miyembro ng pamilyang Villar, mga opisyal ng PrimeWater, at mga opisyal ng mga water district dahil sa umano’y dehadong joint venture agreement.
Ngunit bukod sa epekto nito sa publiko, mahalagang malaman kung gaano rin kalaki ang naging pinsala sa negosyo ng kompanya. Magkano ang posibleng nalugi nito? Ano ang naging epekto ng pagwawakas ng ilang kasunduan sa negosyo? At sino ang sasagot sa mga obligasyong hindi umano natupad?
Ang pinakamahalagang usapin ay hindi lamang kung magkano ang maaaring nawala sa kompanya, kundi kung paano matitiyak na hindi na mamamayan ang muling magbabayad sa pagkukulang sa serbisyo.
Sa huli, ang tubig ay hindi luho. Ito ay pangunahing pangangailangan. Karapatan ng mamamayan ang maaasahang serbisyo, at tungkulin ng mga kinauukulan lalo na ng LGU na tiyaking hindi na mauulit ang matagal na paghihirap ng mamamayan.






