MARAMI nang napipinsalang maliliit at malalaking negosyo sa Pilipinas dahil sa patuloy na pagbagsak ng ekonomiya nito. Ngunit bakit nananatiling tahimik ang mga negosyante, lalo ang malalaking grupo sa Makati at BGC?
Tingnan ninyo mismo ang mga numero.
Bumagal sa 2.1% ang paglago ng Gross Domestic Product (GDP) sa Ikatlong quarter.
Tumaas nang malaki ang implasyon at umabot sa 7.8%.
Ang piso ay nananatiling malapit sa palitan na ₱64 laban sa isang dolyar.
Bumaba sa $98 bilyon ang ating Gross International Reserve (GIR) at patuloy na nababawasan dahil sa $10.6 bilyong depisit sa balanse ng kalakalan sa loob ng 10 buwan.
Sa ekonomiya, ang tawag dito ay stagflation. Hindi sapat ang matatalinong pamamalakad ng mga kumpanya upang makaraos kung ang buong ekonomiya ay bagsak.
Marami pang kabuhayan ang nawawasak habang ang mga TIWALING PULITIKO ay ginagastos ang pondo ng bayan nang walang pag-iingat na para bang sarili nilang pera? Kailan kaya titindig at kikilos ang mga negosyante hindi lang para sa sambayanang Pilipino, kundi para na rin sa kaligtasan ng kanilang mga puhunan?
@@@
Mismong si Sen. Panfilo “Ping” Lacson na ang nakapansin: Bumabagsak ang stock market, nawawalan ng halaga ang piso, sobra-sobra ang suplay ng real estate ngunit kakaunti ang bumibili, magulo ang sektor ng agrikultura, umiiwas ang mga mamumuhunan, at patuloy na tumataas ang implasyon at kahirapan.
Kaya iminungkahi ni Lacson kay Pangulong Marcos na panahon na upang araling mabuti ang kanyang economic team.
Subalit sadyang may kahambugan si Pangulong Marcos. Hindi siya sang-ayon sa puna ni Lacson. Sinabi niya na ang lahat ng paghihirap na nararanasan ng Pilipinas ay pansamantala lang. Direkta niya itong isinisi sa digmaan sa Iran at maraming bansa rin sa Asya ang apektado.
Totoo naman na marami sa problema ng Pillipinas ay dahil sa digmaan ng US at Israel laban sa Iran. Pero bakit ang ating mga kapitbahay sa Timog-Silangang Asya ay makikita sa datos ang paglago ng kanilang ekonomiya?
Ang Vietnam ay lumago nang 9.95 porsyento; Indonesia, 5.47 porsyento; Singapore, 5.4 porsyento; at Malaysia, 5.3 porsyento. Habang ang ekonomiya ng Pilipinas ay laglag sa 2.1 porsyento.
Sa mga ordinaryong mamamayan, ramdam ng lahat ang matinding hirap sa ngayon.
Malinaw na mas mahusay ang pagtugon ng ating mga kapitbahay sa Asya sa krisis habang ang bansa ay patuloy na nalulugmok.
Wala nang dalawang taon ang nalalabi sa administrasyong Marcos. Saang “kangkungan” kaya tayo ngayon pupulutin?






