IILING-ILING na lang ang ating Uzi makaraang maglabasan ang mga umano’y totoong pagkawatak-watak ng Simbahang Katolika ukol sa malawakang korapsyon sa kasalukuyang pamahalaan.
Sabihin na lang nating pinasimulan ni Pangulong Bongbong Marcos ang sigaw laban sa korapsyon nang mariin nitong kinondena ito sa kanyang Hulyo 28, 2025 State of the Nation Address sa ‘di malilimutang mga katagang “Mahiya naman kayo!”
Mula rito, nagpasimula ang Senado ng imbestigasyon sa korapsyon na noo’y pangunahing sa anyo ng flood control projects scam.
Ang Kamara, ganap na tinalikuran ang pag-iimbestiga sa pagsasabi mismo ni Ilocos Norte Congressman Sando Marcos, anak ni Pang. Bongbong, na kabilang sila sa mga kinondena.
Nang magsimulang madamay sa umaapoy na pagkondena sa korapsyon ang Kamara, tuluyang nagbitiw sa pwesto si ex-House Speaker Martin Romualdez noong Setyembre 17, 2025.
Sa kanyang pagbibitiw, sinabi nitong hindi siya bababa nang mag-isa at marami siyang alam na sangkot, kasama ang ehekutibo na nagpatupad ng mga flood control project.
Bago siya magbitiw, nilikha na rin noong Setyembre 11, 2025 ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na pinamunuan ni ex-Supreme Court Associate Justice Andres Reyes na nagpalagablab sa apoy ng katotohanan ng umano’y nasa P1.3 trilyong korapsyon sa kontra-bahang mga proyekto mula 2023 hanggang 2025.
PASIMULA NG BITAK
Pagdating ng Disyembre 3, 2025, naburyong marahil si Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias sa misang inorganisa mismo ni bagong House Speaker Bogie Dy na ginawa sa Northwing ng gusali ng Kamara.
Wala namang nakatitiyak kung may ilang miyembro ngayon ng prosekusyon na nag-aakusa kay Vice President Sara Duterte ng “betrayal of public trust” o pagtataksil sa tiwala ng publiko o taumbayan na dumalo sa nasabing misa.
Sa harapan ng pamunuan ng Kamara, ibang mga miyembro nito, media at empleyado, mariing naglabas ng semon si Bp. Tobias at sinabing, “Kaya pwede ba tumigil na kayo? Tumigil na kayo. Have pity on your people—on our people.”
Hindi lang ukol sa mga maiiskandalong proyektong kontra-baha ang binanggit nito kundi maging ang iba pang imprastraktura.
At tinawag ang korapsyon na “betrayal of public trust” kung saan managot ang dapat managot.
IBANG SERMON
Pagdating naman ng Hulyo 2, 2026, nagpamisa mismo ang prosecution panel panel sa pangunguna ni Cong. Gerville Luistro para sa pagsisimula ng paglilitis ng ikalawang impeachment complaint laban kay VP Sara noong Hulyo 6, 2026.
Tinawag nilang Mass for Truth, Justice, and Accountability ang pamisang iyon na ginanap sa Chapel of the Nativity sa loob ng Immaculate Conception Cathedral, Cubao, Quezon City.
Pinangunahan ang misa ni Monsignor Melchor David.
Sa sermon ni David, tinawag niyang Boses ng Diyos o Voice of God ang prosecution panel.
Dapat umanong tumindig na ang lahat laban sa madilim na bahagi ng kasaysayan ng Pinas.
ANO NA NGAYON?
Walang nakaaalam kundi mismo sina Tobias at David ang nasa likod ng kanilang mga kaisipan at isinusulong…kung magkaiba sila o hindi.
Pero may palatandaan sa mga ito.
Inilaban umano noon ni Tobias ang Otso Diretso para sa Senado noong halalang 2019 pero walang nakalusot sa mga ito.
Inilakad naman umano ni David sina ex-VP Leni Robredo bilang Pangulo at Senator Kiko Pangilinan bilang bise nito noong 2022 sa halalang presidential ngunit parehong olats.
Sey ninyo, mga Bro?






