ITULOY natin ang talakayan ukol sa tila pagkapit-tuko ng ilang senator-judge (SJ) sa findings and conclusions ni prosecution forensic expert Atty. Alex Cabrera sa hindi umanong maipaliwanag ni Vice President Sara Duterte na kanyang yaman.
Sa pakikinig ng pitak na ito sa ibang sumusubaybay sa paglilitis, nakabuo na umano ang ilang SJ ng sarili nilang pagpapasya sa gitna ng katotohanang panahon pa lang ng pagpiprisinta ng depensa ng kanilang ebidensya para pasinungalingan ang findings and conclusions ni Cabrera, kasama na ang iba pang akusasyong iniatras ng prosekusyon.
Pero mangilan-ngilan lang naman umano ang mga SJ na ang tunguhin ng kanilang pagpapasya ay pagdedeklarang guilty si VP Sara kahit hindi pa tapos ang kabuuang paglilitis.
Hindi umano nakikita ito kay Presiding Officer Chiz Escudero na laging nagpapaalaala na dapat magpakita ang lahat ng senator-judge ng “impartiality, fairness, patience at pag-unawa” at hindi kabaligtaran ng mga ito habang may kahinahunan nang walang pangmamata naman si Senate President Win Gatchalian.
Ang pinakapunto, totoong bang may nakaw na yaman si VP Sara at kung nilabag nito ang Konstitusyon na nagbabawal ng pagkakaroon ng kita na iba sa kanyang sahod at mga benepisyo habang VP?
Matatandaang lumiit nang lumiit ang bintang na ‘di maipaliwanag na yaman ni VP Sara mula sa P6.7 bilyon sa nasa P700 milyon na lang sa parte ni Cabrera.
Sa testimonya ng mga testigo ng depensa sa isyu ng Gencorp, P2.1M lang ang “return of investment” ni VP Sara at hindi P315M at sa Cale 88, ligal at nakatayo itong negosyo at hindi peke na ginamit lang sa money laundering, taliwas sa mga pahayag ni Cabrera.
Kwestiyonable rin ang pagpipilit ni Cabrera at prosekusyon na lumabag sa Konstitusyon si VP Sara nang lumitaw na maging sina Pangulong Bongbong Marcos at ex-VP Leni Robredo ay may negosyo habang nakaupo sila sa pwesto at nakalagay ang mga ito sa kanilang mga SALN.
Pero hindi kaya mali naman ang pagtawag na “kapit-tuko?”






