HINDI masasabing walang paghahanda ang pamahalaan sa inaasahang pagsisikip ng trapiko ngayong Pasko. Mula Nobyembre 16 hanggang Disyembre 25, alas-11 ng umaga hanggang alas-11 ng gabi na ang bukas ng mga mall tuwing karaniwang araw upang hindi magsabay ang mga mamimili at komyuter sa rush hour. Ipinatupad din ang moratoryum sa paghuhukay sa mga kalsada mula Nobyembre 1 hanggang Disyembre 23.
Dapat sana’y nakatulong ang mga hakbang na ito. Pero tila hindi para sa mga pabalik-balik sa Quezon City at Maynila, lalo na tuwing weekend, kung kailan hindi saklaw ng pagbabago sa oras ng mall ang mga mamimili.
Noong Sabado ng gabi (Nobyembre 21), nabilanggo ako sa napakalalang trapiko sa Maynila na inabot lampas hatinggabi. Pinagsisihan kong hindi ko itinuloy ang planong magbakasyon sa labas ng lungsod. Barado ang Taft Avenue, Otis hanggang Nagtahan, Quirino Avenue at Roxas Boulevard. Hindi rin makalusot ang mga sasakyan sa mga daan papasok at palabas ng Intramuros. (Umaga pa lang ay pasakit na ang daloy ng trapiko sa Maynila mula sa R10. Naipit din ako dyan at mahigit 2 oras ang biyahe ko hanggang Pasay -Ed)
Hindi paghuhukay ang dahilan. May mga bahagyang pagsasara ng lane ang Department of Public Works and Highways (DPWH), pero sa EDSA, Quezon City, San Juan at Mandaluyong, hindi sa Maynila.
Ang tunay na dahilan? Mga fun run. Nagsimula alas-10:05 ng gabi ang Nike After Dark Tour 10K sa Roxas Boulevard, na dumaan sa Jones Bridge at Intramuros. Noong umaga, isinara rin ang ilang bahagi ng Roxas at Quirino avenues para sa Flight Run 2. Sinundan ito noong Linggo ng Santé Barley Trilogy Run Asia Finals sa Pasay. ((Isama mo ang Alay Lakad 2026 nagsimula alas 4 ng umaga sa Planetarium-Ed)
Dahil isinara ang mahahalagang lansangan, napilitang dumaan ang mga sasakyan at delivery truck sa Taft Avenue, Pedro Gil, Otis at Nagtahan.
May kinalaman din ang kalendaryo ng ASEAN Summit. Sinuspinde ang mga permit para sa fun run sa Maynila at karatig-lungsod hanggang Nobyembre 20. Pag-alis ng pagbabawal, nagsunuran naman ang mga aktibidad.
Sana’y may mapulot na aral sina Transportation Secretary Vince Dizon, MMDA Chairman Don Artes at mga lokal na pamahalaan. Idaraos sana ang mga ganitong aktibidad sa mga lugar na hindi kailangang isara ang pangunahing lansangan, lalo na ngayong tuluy-tuloy ang paghahatid ng produkto at abala ang lahat sa pamimili.
Mahalaga ang negosyo bilang pampasigla sa ekonomiya ngayong dumudulas tayo sa stagflation. Dapat makatulong ang Kapaskuhan sa kalakalan, hindi maging sagabal dito dahil lamang sa mga marathon.
Katawa-tawa ang trapikong umaabot hanggang hatinggabi dahil sa karera sa pagtakbo. Kasabay na natigilan ang mga manggagawang pauwi, delivery driver at ambulansya. Sila at ang mga produktong kanilang dinadala ang nagpapaandar sa ekonomiya tuwing Pasko.
Kung nais magpatakbo ng libu-libong tao, ilipat ang mga fun run sa mga karatig-lugar na may magandang tanawin at sariwang hangin.
Ayon sa MMDA, bumagsak mula 26 kilometro kada oras noong Abril sa 14 hanggang 17 kilometro kada oras ngayong Nobyembre ang average na bilis ng trapiko sa EDSA. Ipinakikita naman ng TomTom GPS data na bumagal sa 13.6 hanggang 15.2 kilometro kada oras ang daloy ng trapiko sa Metro Manila, mula 18.9 kilometro kada oras noong unang bahagi ng taon.
Panahon ng magtuon ang mga awtoridad sa kanilang pangunahing tungkulin: panatilihing maayos ang daloy ng trapiko. Hindi ang pag-aasikaso ng mga permit para sa mga aktibidad habang halos hindi na makausad ang mga sasakyan.
Sa maayos na pamamahala ng trapiko, kahit paano ay magiging mas maginhawa ang Pasko sa Metro Manila sa kabila ng mahirap na panahon.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).






