ISANG mabigat na pagsubok para sa maraming ordinaryong Pilipino ang magkasakit sa buwan ng
Disyembre, lalo na’t sa ganitong panahon ay halos paubos na ang pondo ng karamihan sa mga ahensya
ng pamahalaan. Ngunit dahil hindi naman maaaring sabihan ang isang pasyente na "huwag munang
magkasakit sa buwan ng Disyembre," mahalagang malaman ng publiko ang mga natitirang opsyon sa
paghingi ng tulong-medikal.
Ipinabatid ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pansamantala nitong
sususpendihin ang pag-iisyu ng Guarantee Letters (GLs) sa ilalim ng Assistance to Individuals in
Crisis Situations (AICS) program simula Nobyembre 30, 2026.
Ayon sa kagawaran, layunin ng hakbang na ito na bigyang-prayoridad ang pagbabayad sa mga ospital,
punerarya, at iba pang accredited service providers na nakapagbigay na ng serbisyo sa mga
benepisyaryo ngunit naghihintay pa rin ng kaukulang bayad mula sa pamahalaan.
Hindi Mawawala ang AICS; May Alternatibong Outright Cash Assistance
Sa kabila ng pangamba ng mga pasyente at kanilang pamilya tuwing year-end, nilinaw ng DSWD na ang
pansamantalang paghinto sa pag-iisyu ng GL ay hindi nangangahulugang tuluyan nang mawawala ang
AICS program o ititigil na ang pagtulong sa mga nangangailangan.
Bilang alternatibo, maaaring magkaloob ang kagawaran ng Outright Cash Assistance o direktang
tulong-pinansiyal sa mga kwalipikadong benepisyaryo, depende sa pangangailangan ng aplikante,
resulta ng assessment ng DSWD social worker, at pagkakaroon ng natitirang pondo.
Maaari ring maiskedyul ang pag-iisyu ng GLs sa unang araw ng trabaho sa Enero 2027 o kapag
naaprubahan na ang General Appropriations Act (GAA) para sa susunod na taon, basta't kumpleto at
balido ang mga kinakailangang dokumento.
Mga Uri ng Tulong at Kinakailangang Dokumento
Bukod sa medical at burial assistance, saklaw din ng AICS program ang transportation assistance,
educational assistance, at food o iba pang cash assistance para sa mga mahihirap at vulnerable sectors
matapos dumaan sa pagsusuri ng social worker.
Pinapayuhan ang mga nais humingi ng tulong na ihanda agad ang mga sumusunod na dokumento bago
magtungo sa pinakamalapit na DSWD Field Office, Crisis Intervention Unit (CIU), Social Welfare and
Development (SWAD) Office, o satellite office:
Para sa Medical Assistance: Valid ID, medical certificate o clinical abstract, hospital bill o
statement of account, reseta ng gamot, at laboratory request (depende sa uri ng tulong na
inaaplayan).
Para sa Burial Assistance: Valid ID, death certificate, funeral contract o statement of account, at
iba pang dokumentong magpapatunay sa gastusin.
Nagpaalala rin ang DSWD sa publiko na subaybayan lamang ang mga opisyal na anunsyo ng kagawaran
at huwag agad maniwala sa mga hindi beripikadong impormasyon hinggil sa tuluyang pagtigil ng lahat ng
uri ng ayuda.






