MANILA, Philippines – “Gutom ang awayin, kapakanan ng magsasaka ang unahin.”
Ito ang panawagan ni Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III sa mga Pilipino at opisyal ng pamahalaan, kasabay ng paghimok na ituon ang lakas sa pagtulong sa mga pamilyang nagtatanim ng pagkain ng bayan.
“Ang gusto ko lang awayin talaga, yung gutom,” aniya.
Para sa kalihim, dapat ituon ang lakas sa matatag na kabuhayan ng magsasaka at sapat na pagkain ng mga pamilya sa halip na magbangayan.
Malaki pa ang hamon sa hapag-kainan ng mga Pilipino.
Sa mas bagong survey ng Social Weather Stations, 22.6 porsiyento ng mga pamilyang Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger o pagkagutom dahil walang makain noong Setyembre. Mas mataas ito sa 20.3 porsiyento noong Hunyo at sa 21.1 porsiyentong taunang average noong 2020, kasagsagan ng pandemya.
Sinabi ni Estrella na nakatutok ang DAR sa seguridad sa lupa, suporta sa produksyon, pag-alis sa kwalipikadong utang sa agraryo at pagpapalago ng kita ng mga benepisyaryo.
Binigyang-diin niyang kailangang umangat ang kalagayan ng mga nagtatanim ng pagkain para makamit ang food security.
Kailangan ng mga magsasaka ng puhunan at kagamitan sa bukid. Kailangan din nila ng kitang maipambibili ng pagkain at maipangtutustos sa araw-araw na pangangailangan ng pamilya.
“Ang pangarap ko sa magsasaka ay magkaroon sila ng karagdagang kita,” ani Estrella.
Paliwanag niya, hindi lang tagapagtanim ang mga magsasaka—mamimili rin sila.
Kapag mas malaki ang kanilang kita, mas may pambili ng mga pangangailangan sa bahay, aniya. Nakikinabang din ang mga lokal na negosyo at mga manggagawa dahil patuloy na umiikot ang pera sa ekonomiya. KRIS JOSE