Home NATIONWIDE PNP target bisitahin si VP Sara

PNP target bisitahin si VP Sara

2
0

MANILA, Philippines – Handang personal na puntahan ng Philippine National Police (PNP) si Vice President Sara Duterte upang kunin ang kanyang salaysay at mga ebidensiya kaugnay ng limang umano’y banta mula sa mga tauhan ng pulisya laban sa kanya, sa kanyang tanggapan at pamilya.

Sa press briefing nitong Lunes, Nobyembre 23, sinabi ni PNP spokesperson Police Brig. Gen. Allen Rae Co na bukas ang kanilang hanay na makipagkita mismo sa Bise Presidente upang alamin ang mga detalye ng kanyang mga alegasyon.

Ayon kay Co, maaari ring magsagawa ang PNP ng motu proprio investigation, ngunit kailangan munang matukoy ang partikular na insidente at ang posibleng krimeng naganap.

Nilinaw din niya na wala silang namonitor na direktang banta laban kay Duterte, ngunit handa silang tumanggap ng kanyang salaysay at mga dokumentong susuporta sa kanyang mga pahayag.

Sa pahayag ni Duterte noong Nobyembre 21, sinabi niyang mayroon silang hindi bababa sa limang dokumentadong pagbabanta na umano’y ginawa ng mga tauhan ng PNP laban sa kanya, mga kawani ng Office of the Vice President (OVP) at kanyang pamilya.

Iginiit din niyang maaaring hindi na niya maiharap ang mga naturang ebidensiya sa impeachment proceedings matapos bawiin ng prosekusyon ang artikulo tungkol sa grave threats.

Samantala, nauna nang inimbitahan ni PNP chief Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. si Duterte at ang kanyang tanggapan na isumite ang mga dokumento at ebidensiya upang masiyasat ang mga alegasyon.

Ayon kay Nartatez, maaaring ihain ang reklamo sa PNP Internal Affairs Service (IAS), National Police Commission (Napolcom) o Office of the Ombudsman. Tiniyak din niyang handa ang pulisya na magbigay ng proteksiyon sa sinumang mag-uulat ng pagbabanta.

Ang artikulo sa grave threats na tinutukoy ni Duterte ay isa sa tatlong artikulo ng impeachment na iniurong ng prosekusyon noong Oktubre 13. Tinanggap ng Senate impeachment court ang pag-atras kaya hindi na ito isasailalim sa botohan o hatol sa paglilitis.

Hindi pa malinaw kung tatanggapin ni Duterte ang alok ng PNP na personal siyang puntahan upang maiharap ang kanyang mga alegasyon at ebidensiya. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here