MANILA, Philippines – Hindi nawawala ang pagiging lehitimong anak ng isang tao kahit hindi nakatala ang pangalan ng kanyang ama sa birth certificate, basta ipinanganak siya habang umiiral ang balidong kasal ng kanyang mga magulang, ayon sa Supreme Court (SC).
Sa desisyong inilabas ng Third Division noong Abril 7, 2026, pinagbigyan ng Korte Suprema ang petisyon ng isang babae na itama ang kanyang birth certificate upang mailagay ang apelyido ng kanyang ama, wastong middle name at impormasyon tungkol sa kasal ng kanyang mga magulang.
Ipinanganak ang babae noong Enero 23, 1996, matapos ikasal ang kanyang mga magulang noong Disyembre 27, 1994.
Gayunman, ginamit ng kanyang ina ang sariling apelyido at middle name sa pagpaparehistro ng anak at hindi inilagay ang pangalan ng ama dahil hindi maayos ang kanilang relasyon noong panahong iyon.
Lumaki ang babae na ginagamit ang apelyido ng kanyang ama sa mga dokumento sa paaralan at trabaho, kabilang ang kanyang Professional Regulation Commission (PRC) identification card. Natuklasan lamang niya noong 2017 ang mga maling detalye sa kanyang birth certificate.
Binigyang-diin ng SC na sa ilalim ng Article 164 ng Family Code, itinuturing na lehitimo ang mga batang ipinaglihi o ipinanganak habang kasal ang kanilang mga magulang.
Nakasaad din sa Article 167 na mananatiling lehitimo ang isang bata kahit magpahayag ang kanyang ina ng salungat dito, kabilang ang mga impormasyong inilagay sa birth certificate.
Ayon sa Korte, hindi maaaring manaig ang mga maling entry sa birth certificate laban sa presumption of legitimacy na itinatakda ng batas. Ang pagkuwestiyon sa pagiging lehitimong anak ay dapat dumaan sa direktang kaso na inihain ng asawang lalaki o, sa mga kondisyong itinakda ng batas, ng kanyang mga tagapagmana.
Sa kasong ito, walang naturang aksiyon na inihain sa loob ng itinakdang panahon.
Pinayagan din ng SC ang pagwawasto sa ilalim ng Rule 108 ng Rules of Court, na nagpapahintulot sa pagbabago ng mahahalagang detalye sa civil registry sa pamamagitan ng adversarial proceedings, kung saan binibigyan ng pagkakataong tumutol ang mga posibleng maapektuhang partido.
Dahil dito, ipinag-utos ng Korte sa Local Civil Registrar ng San Jose del Monte City, Bulacan na palitan ang middle name ng babae mula Ventanilla tungo sa General, ang kanyang apelyido mula General tungo sa Garrote, at ilagay ang petsa at lugar ng kasal ng kanyang mga magulang.
Nilinaw ng SC na hindi lumilikha ng bagong legal na katayuan ang mga pagbabagong ito kundi itinatama lamang ang mga rekord upang maipakita ang pagiging lehitimong anak na kinikilala na ng batas. RNT