NAPAKALAKING halaga ang inilalaan ng pamahalaang Marcos laban sa super El Nino na nagsimula ngayong buwan at magtatagal hanggang sa kalagitnaan ng 2027.
May kabuuang halagang P238.026 bilyon ang pinagsama-samang badyet para sa 2026 at 2027.
Kasama sa mga pinondohan ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at para sa 2026, mayroong itong P46.03B habang, para sa 2027, may ₱45.67B ang National Disaster Risk Reduction and Management Fund at ₱46.356B ang National Irrigation Administration.
PONDONG NARARAPAT VS MALAWAKANG KASIRAAN
Nararapat lang na magkaroon ng ganyang kalaking badyet laban super El Nino na banta sa kabuhayan ng milyon-milyong magsasaka at mangingisda at kasama na rin ang kabuuang nasa 115 milyong Pinoy.
Apektado ang lahat dahil masisira ang mga panananim, kasama ang palay, mais at gulay; ang mga alagang isda, lalo na sa mga lawa, ilog, fishpond at iba pa; ang mga alagang hayop na magkakaroon ng mga peste gaya ng mga manok, baboy, baka, kalabaw, kambing at iba pa.
Usapin ang mga ito ng pagkain at kung may malaking kasiraan sa agrikultura sa kabuuan, nangangahulugan ‘yan ng gutom at paghihirap ng milyon-milyong Pinoy.
Sinasabi ring tiyak tayong mag-aangkat ng mga bigas, mais at iba pang mga pagkain at tiyak na magmamahal din ang mga ito at tamaan din ang lahat sa mahal na bilihin dito.
Naririyan pa ang tiyak na pagkasira ng kapaligiran at kabahayan na dulot ng mga sunog.
Ngayon nga lang, napakarami nang nagaganap na sunog na daan-daang pamilya ang mga biktima sa iba’t ibang lugar.
Iba pa ang pagkasira ng kapaligiran sa dalang usok ng mga sunog na makaaapekto sa kalusugan ng lahat at magdudulot ng ekstra na gastos sa lahat gaya ng mga face mask at pagpunta sa mga evacuation center.
Dahil marami ang magkakadepekto na dam at planta ng kuryente na nakadepende sa pondo at kilos ng mga tubig, magmamahal din ang kuryente sa kakulangan nito.
MAGLALAWAY SA PONDO
Kung iisipin, maganda ang ginagawa ng mga opisyal ng pamahalaan.
Ang Senado lamang, nagkakaisa ang mga senador sa paghiling na magdeklara na ang pamahalaang Marcos ng pambansang state of calamity na pupwede nang simulang ilapat sa mga natatamaan na ng super El Nino.
Iniuulat na ng Office of Civil Defense na umaabot na sa P10 bilyon ang nasira sa agrikultura sa 10 rehiyon at mahigit 100 local government unit at kulang-kulang na rito ang napakawalan ng pamahalaan para sa lahat ng biktima.
Matatagpuan ang mga biktima sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Davao Region, Caraga, CALABARZON, Bicol Region, Eastern Visayas at SOCCSKSARGEN.
Umaabot sa 241,000 ektaryang taniman ang nasira habang nasa 215,000 magsasaka at mangingisda ang natamaan.
Kung magagamit ang lahat ng pondo nang maayos at tapat, makararamdam kahit papaano ng ginhawa ang mga biktimang direktang matatamaan.
At dahil kailangan ang pagsasapatupad nang may pondo ang mga state of calamity na idedeklara sa lahat ng lugar laban sa pagsasamantala o profiteering at prize freeze, makikinabang ang lahat.
Pero gaya ng karanasan sa Yolanda victims, Mt. Pinatubo victims at iba pa, pinaglawayan at nilamutak ng mga korap ang malalaking bahagi ng mga pondong pangkalamidad.
Kayong mga korap, magsitigil na kayo!






