NAKAPANGHIHINAYANG ang kawalan ng tiwala ng mga dayuhan sa pamumuhunan at pagnenegosyo sa ating bansa.
Mismong ang Bangko Sentral ng Pilipinas ang nag-uulat na mas marami ang umalis sa bansa na puhunan kaysa pumasok at nagkakahalaga ito ng nasa $5 bilyon na katumbas ng P315 bilyon.
Naganap ito mula Enero hanggang Setyembre 2026.
Ayon sa BSP, may inalis ang mga dayuhang mamumuhunan na kabuuang $24.15B-$24.43B habang nakapagpapasok lang sila ng $19.41B-$19.49B.
Naganap ang paglayas ng puhunan ng mga dayuhan hindi lang sa bilihan ng mga stock o sapi sa mga korporasyon o kompanya kundi maging sa prenda ng gobyerno sa mga pangungutang nito.
Sa tinatawag ng foreign direct investment o pagtatayo talaga ng negosyo at pabrika sa Pinas, bumagsak mula sa !8% sa unang tatlong buwan ng 2026 at lalong bumagsak sa 46% sa ikalawang kwarto o mula Abril hanggang Hunyo ngayong taon.
Sinasabi naman ng pamahalaang Marcos na may aprubadong nasa P166B pamumuhunan ng mga dayuhan at galing ito sa mga mahigit pang halaga na pangakong pamumuhunan.
Ngunit iba ang pangako sa aktuwal na paglalagay ng puhunan at pagtatayo ng mga negosyo na makalilikha ng trabaho at kikita ang mga obrero, buwis na kikitain ng gobyerno at iba pa.
Kung iisipin, mga brad, kabilang ang lahat ng ito sa mga dahilan kung bakit nitong Setyembre, bumagsak sa 2.1% lang mula sa 2.8 noong Marso 2026 batay sa P28 trilyong halaga ng lahat ng produkto at serbisyong nalikha sa buong taon.
Sa ibang salita, lumiit ang bunga ng GDP sa ₱588B o 2.1% mula sa P784B o 2.8%.
Rason ng mga negosyante, sobrang mahal ang langis at mga bilihin, sobrang mababa ang halaga ng piso, pabago-bagong mga patakaran sa pagnenegosyo at pinaka sa lahat, matinding korapsyon na lumilikha ng mga pampulitika at panlipunang kaguluhan.
Kung ganito ang nagaganap kaya nilalayasan tayo ng mga dayuhan at hindi gaanong namumuhunan din ang mga lokal na negosyante, saan tayo patutungo?






