MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang 23-anyos na babae sa tangkang pagbebenta sa isang buwang gulang na sanggol nito online.
Nasagip ng mga awtoridad ang sanggol sa isang entrapment operation na isinagawa sa Barangay 197, Pasay City.
Ang sanggol na nakabalot sa towel ay agad na itinurn-over sa Department of Social Welfare and Development.
Isinagawa ang operasyon matapos na madiskubre ang online group kung saan aktibong iniaalok ng suspek ang kanyang anak.
Nagpanggap na prospective adopter ang isang undercover officer mula sa Philippine National Police Women and Children Protection Center (PNP WCPC).
“Meron silang napasukan na group chat na nandu’n active ‘yung ating undercover na nagpi-pretend na gusto rin mag-adopt,” ani Police Lieutenant Colonel Armelina Manalo, PNP-WCPC Luzon Field Unit chief.
“Nu’ng nag-PM siya (the suspect) sa undercover, nag-offer agad siya ng baby.”
Sa inisyal na ulat, unang humingi ang suspek ng P100,000 kapalit ng bata.
Sa kabila nito, binabaan pa ang halaga sa nangyaring negosasyon.
“Immediately for P100,000… Since napakalaki ng amount, nagkaroon ng parang bargaining. Na-close namin ‘to ng P90,000,” dagdag ni Manalo.
Nahaharap ang babae sa reklamong trafficking in persons at child abuse.
Nadiskubre ng pulisya na ang suspek ay mayroon pang isang anak na tatlong taong gulang.
“According doon sa nanay, kaya siya napilitan magbenta ng kaniyang baby ay dahil kailangan niya ng pambayad o panggastos doon sa ospital kung saan siya nanganak,” sinabi ni Police Brigadier General Portia Manalad, PNP-WCPC chief.
“Maraming utang na dapat bayaran. Pangangailangan din ng kaniyang 3-year old,” dagdag pa ni Manalo.
Sa hiwalay na pahayag, nakipag-ugnayan na ang National Authority for Child Care sa Meta Philippines, upang aksyunan ang 12 aktibong Facebook groups na ginagamit sa bentahan ng bata. RNT/JGC