WALANG problema para sa akin ang ginagawa ni Mayor Isko Moreno na paglilibot kahit hatinggabi na sa Lungsod ng Maynila, kahit ilang oras pa lamang siya nakababalik sa pwesto bilang alkalde.
Ganito rin naman ang ginawa niya noong una siyang naging alkalde ng lungsod.
Nais lang naman siguruhin ni yorme na magiging maayos ang Maynila — mula sa kalinisan at kaayusan ng trapiko.
Marami kasing imbyerna kay Isko. Bakit daw laging may mga nakabuntot sa kanyang media at vloggers?
Ayaw n’yo ba sa isang pinuno ng lungsod na aktibo sa pagtatrabaho? Ayaw n’yo ba sa masipag na alkalde? Kung hindi naman siya kikilos, sasabihin naman na tamad siya at walang kwenta.
Mabuti na ang ganyan. At least, nalaman ng madla kung paano pinabayaan ng nakaraang administrasyon ang Lungsod ng Maynila na siya pa namang capital ng Pilipinas.
Napakapangit naman kung ang Lungsod ng Maynila ay madilim, marumi, mapanghi, mabaho, maraming basura, at napakagulo saan mang sulok ng lansangan.
Ipagpatuloy mo lang Yorme Isko ang inyong ginagawa. Susuportahan ta ka, riyan!
##
Pero ika nga, hindi sa lahat ng oras ay umiikot si Yorme Kois sa Maynila para tiyaking maayos at matino ang gobyerno sa lungsod.
Marami pa siyang pagkakaabalahan, katulad kung paano makababawi sa utang ang Manila City Hall. Masyadong nilubog sa utang ng nakaraang pamunuan ang Maynila. Nakahihiya ito.
Kaya dapat, tulungan siya ng mga opisyal ng barangay lalo pagdating sa pagpapatupad ng kaayusan, kalinisan at disiplina sa kani-kanilang nasasakupan.
Aba’y maraming barangay chairman sa Maynila na ang kakapal ng mukha dahil walang mga ginagawa. Nagpapalaki lang ng bayag at puwit sa kanilang mga upuan.
Mag-eeleksyon na naman sa barangay ngunit walang nagagawang magaling ang ilang opisyal. Ngayon magpakitang-gilas ang mga opisyal ng barangay sa pagdisiplina sa mga nasasakupan.
Pagkatapos ng serye ng paglilinis na ginagawa ni Kois sa lansangan ng Maynila, dapat namang matuto ng responsibilidad ang barangay at community level.
Ang mga barangay naman ang magmantina ng kalinisan sa kani-kanilang area of responsibility. Barangay ang dapat na magmonitor at magpatupad ng batas laban sa pagkakalat ng basura, bandalismo, pagpapadumi ng mga hayop sa kalsada, pag-ihi, pagdura, pagdisiplina sa vendors at kung ano-ano pang ordinansa.
Nakahihiya naman, huwag puro kay Yorme iasa.






