MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na magtatrabaho nang mas mabuti ang gobyerno para magbukas ng mas maraming oportunidad para sa mga filipino.
Ito ang pangako ng Malakanyang kasabay ng mainit na pagtanggap sa pagtaas ng employment o trabaho noong May 2025.
Nauna rito, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang labor force ng bansa ngayon ay umabot na sa 65.8% ng populasyon ‘as of May 2025’ mas mataas kaysa sa 64.8% na naitala noong May 2024.
Winika ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na masaya si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nagbunga ang pagsisikap ng gobyerno na makapagbigay ng dekalidad na trabaho sa mga filipino.
“Pagpu-pursigihin pa. Hindi ito natatapos dito. Kumbaga hindi ito para magpunyagi. Kailangan mas maganda pa ang ipakita ng administration para makapagbigay pa na mas maraming trabaho sa ating mga kababayan,” ayon kay Castro.
“Layon ng Marcos administration na pataasin pa ang bilang ng mga Pilipino na mabigyan ng trabaho sa ilalim ng Bagong Pilipinas,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, nakapagbigay ang gobyerno ng 170,000 trabaho para sa mga filipino sa pamamagitan ng mga job fair na idinaos mula 2022 hanggang May 1, 2025, ayon sa data ng pamahalaan.
Ayon sa Labor Force Survey ng PSA, may karagdagang 1.4 milyong pinoy ang nakiisa sa labor force, ngayon ay binubuo ng 52.32 milyong indibiduwal.
Bumaba naman ang unemployment rate sa 3.9% noong May 2025, bumba mula 4.1% noong May 2024.
“The underemployment rate rose to 13.1 percent in May 2025 from 9.9 percent in May 2024, as more part-time workers seeking extra work hours cited variable working schedules or the nature of work as the reasons for working less than 40 hours per week,” ayon sa PSA report. /Kris Jose