Home OPINION BAKA MAGING DAGDAG PROBLEMA LANG SA PCO

BAKA MAGING DAGDAG PROBLEMA LANG SA PCO

205
0

MULA sa mga bulung-bulungan sa loob ng Malacañang, mukhang isa na namang mapanganib na eksperimento ang isinasalang.

Ito ay sa katauhan ni Dave Gomez, na sinasabing tahimik na isinasailalim ngayon sa pagsusuri para sa posibleng pag-uupo sa kanya sa Presidential Communications Office.

Ayon sa mga mapagkakatiwalaang sources, naimbitahan at na-screen na si Gomez noong nakaraang linggo.

Ngunit wala pang opisyal na pahayag kung siya ay pumasa sa masusing pagsisiyasat ng mga “nasa kapangyarihan”.

Gayunman, napaaga na ang mga reaksiyon—lalo na mula sa health advocates na nababahala sa posibilidad na magkaroon ng direktang kinatawan ng tobacco lobby sa loob mismo ng Palasyo.

At sino ba ang hindi mangingimi? Ang mahabang karera ni Gomez sa isang higanteng kompanyang kilalang-kilala sa agresibong lobbying ay may dalang pangambang hindi basta-basta mababalewala.

Sa panahong puno ng krisis sa kalusugan at maling impormasyon, tila hindi angkop—at delikado pa nga—na ang isang tauhang may malapit na koneksyon sa industriya ng sigarilyo ang italaga sa isang sensitibong posisyon ng komunikasyon.

Ibig sabihin, ang kanyang karanasan sa halip na maging lakas ay maaaring maging kahinaan. Aba’y mas tumindi ang agam-agam sa gitna ng bulungan mula sa loob mismo ng kompanyang kanyang iniwan. Ayon sa ilang dati at kasalukuyang opisyal ng nasabing kompanya ng yosi, hindi nila lubos na kinikilala ang kakayahan ni Gomez.

Isang simpleng tanong ang lumulutang: Bakit nga ba siya “ni-retire” kung tunay siyang “asset”?

Kung itutuloy niya ang bagong hamon— maaaring ito ang maging pinakamahalaga sa kanyang karera. Ngunit kakayanin ba niyang harapin ang unos sa gitna ng mga isyu at batikos na kinakaharap ng administrasyon?

O baka naman isa lang siyang maging dagdag-problema sa opisina sa Palasyo na patuloy na kinakapos sa kredibilidad?

Kaawaan nawa siya ng Diyos. At higit sa lahat, kaawaan din tayong lahat—dahil masyadong mataas ang nakataya sa PCO para basta ibigay sa isang taong maaaring hindi handa sa init ng tunay na serbisyo-publiko.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here