Home OPINION DROGA KAHIT SAAN

DROGA KAHIT SAAN

276
0

SAAN kaya nanggagaling ang mga droga, lalo na ang shabu, na gamit ng mga adik at tulak sa mga barangay?

Ito ang malaking katanungan ng maraming kapitan ng barangay, kahit pa ang mga deklarado na nilang drug free.

Nagugulat na lang sila sa biglaang mga raid ng mga pulis o Philippine Drug Enforcemeng Agency.

Kapag tinatanong kasi ang mga taga-barangay, nakabalik na o nagsisibalikan na ang mga droga at kitang-kita ito sa napakaraming adik at tulak kahit saan.

Sila mismo ang mga saksi ngunit nagsisiper sila ng bunganga lalo’t kapitbahay o kamag-anak nila ang mga adik at tulak.

SAAN NGA NANGGAGALING?

Ang tanong na ito ay mahalaga sa harap ng sinasabi ng mga awtoridad, kasama ang mga mangingisda, na nakasasakote sila ng bilyon-bilyong halaga o halos P9B na shabu sa mga karagatan ng Zambales, Pangasinan, Ilocos Sur, Ilocos Norte at Cagayan.

Iba pa ang nasa mga pier, gaya ng P749M o 110 kilo na na nadiskubre sa Manila International Container Port sa Maynila kamakailan lang.

Marami rin ang nakukumpiska sa iba’t iba pang lugar ng bansa mula Luzon hanggang Visayas at Mindanao.

Bawat sakote ng mga awtoridad, pinalalabas nilang ligtas na sa kapahamakan na dulot ng droga ang mga mamamayan.

Subalit lumalabas na sa kabila ng matatagumpay na operasyon ng mga awtoridad, may malaking kabiguan sila sa pagdurog sa droga.

Kaya ang isang katanungan, hindi kaya mas malaki ang suplay ng droga na dumarating sa mga barangay kaysa mga nakukumpiska ng mga awtoridad?

Oo nga pala, maging sa mga bilangguan, nakahaharang din ang matitinong pulis ngunit nakalulusot papasok sa loob ang maraming droga sa maniobra ng mga iskalawag.

Kaya naman, may mga jailguard na bantulot nang mag-duty sa mga bilangguan na talamak ang pagpasok ng droga at ayaw nilang madamay sa kagagawan ng mga kapwa nila jailguard na iskalawag.

MAY MGA PROTEKTOR?

Bukod sa Metro Manila, may mga lalawigan, lungsod at bayan na talamak ang droga.

Ang nakapagtataka, may matataas na opisyal ng gobyerno, kasama ang mga kamag-anak nilang mayor o gobernador, na sa kanilang mga lalawigan pa nila talamak ang nasabing salot.

Kakambal ng droga ang napakaraming anyo ng krimen gaya ng pagpatay ng mga riding-in-tandem at nadidiskubreng isang dahilan dito ang onsehan sa bilihan at bayaran sa droga.

Hindi kaya may mga protektor na matataas na opisyal sa mga nagpaparating at nagpapakalat ng droga?

Ang isa pang masakit, may mga piskal at huwes na ayaw humawak o nag-iinhibit sa mga kaso ng droga, lalo na kung kilalang malalakas sa gobyerno o kamag-anak nila ang mga sangkot.

Kaya nangangahulugang hindi lang mga iskalawag na pulis at PDEA agent ang protektor kundi iba pa.

At ito na rin ang malaking dahilan ng panunumbalik ng droga sa mga barangay?

PROTEKSYON NG MGA SIBILYAN

May klarong isang usapin sa giyera sa droga.

Marami ang may gustong makipagtulungan na mamamayan ngunit isa sa mga pangunahing problema ang kawalan ng proteksyon nila mula sa gobyerno kung sumali sila sa giyera.

Paano rin kaya ito?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here