MANILA, Philippines – Inanunsyo ng bagong PSC chairman na si Patrick Gregorio na makatatanggap ng karagdagang P5,000 buwanang allowance ang lahat ng national athletes at coaches simula Agosto.
Ginawa niya ang pahayag sa general assembly ng PSC noong Martes.
Ayon kay Gregorio, aprubado na ito ng PSC board at agad ipatutupad.
“Across the board, simula Agosto, may dagdag na P5,000 allowance bawat atleta at coach,” ani niya sa kanyang talumpati sa Ninoy Aquino Stadium.
Bago ang pagtaas, may mga atleta umanong P10,000 lamang ang natatanggap na allowance — mas mababa pa sa minimum wage.
Kaya para kay Gregorio, nararapat lamang ang dagdag-suporta para sa kanilang ikabubuhay.
Aniya, “Paano ka naman mabubuhay sa P10,000 kada buwan? Kaya ginawa namin ito bilang pagkalinga sa mga atletang Pilipino.” Ang dagdag na allowance ay nagkakahalaga ng P10 milyon kada buwan.
Siniguro ng PSC chairman na may sapat na pondo ang ahensya para rito.
Malugod itong tinanggap ng mga dumalong atleta, coaches, at mga opisyal mula sa iba’t ibang national sports associations na umaasang patuloy ang suporta ng pamahalaan sa sektor ng palakasan.GP/JC