MANILA, Philippines – Ikinokonsidera ng Philippine National Police (PNP) na gawing state witnesses ang mga pulis na nasa restrictive custody kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero.
Ayon kay PNP Chief Police General Nicolas Torre III, kung magpapakusa ang ilan sa kanila, makakatulong ito sa imbestigasyon, ngunit kaya pa rin nilang lutasin ang kaso kahit walang kooperasyon.
Ayon sa National Police Commission (Napolcom), may natatanggap silang mga tip mula sa iba’t ibang tao, kapulisan man o sibilyan, na sana’y magbunga ng mga affidavit na makakatulong sa kaso.
May 15 pulis na kasalukuyang nakakulong sa Camp Crame dahil sa diumano’y pagkakasangkot sa pagdukot sa mga sabungero, ayon sa whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan.
May ilang pulis na konektado sa umano’y P2 milyong buwanang payola mula sa sinasabing mastermind na si Atong Ang.
Mula 2021 hanggang 2022, 34 sabungero ang nawala, diumano’y may kaugnayan sa dayaan sa sabong.
Sinabi ni Patidongan na inilibing ang mga biktima sa Taal Lake, ngunit iniimbestigahan ng PNP ang iba pang lugar, kabilang ang mga ulat na may sinunog na biktima. Santi Celario